Nagpalabas ng komunikasyon ang Embahada ng Pilipinas sa Roma at Phil. Consulate General sa Milan ukol sa mga panuntunan ng pagpapatupad ng bagong pasaporte na may bisa ng sampung taon.
Sa dalawang magkahiwalay na komunikasyon ay nagbigay ng mahalagang paalala ang Embahada ng Pilipinas sa Roma (social network) at Consulate General sa Milan (email) ukol sa mga panuntunan ng pagpapatupad ng bagong pasaporte na may bisa ng sampung taon.
Simula Enero 2018, ayon sa dalawang komunikasyon, ay mag-uumpisang magpalabas ng electronic passport (e-passport) na may bisa ng sampung taon.
“Ang mga aplikanteng may 18 taong gulang o mahigit (adults) ay nasasakop ng pasaporteng may bisa hanggang 10 taon. Mananatiling limang taon naman ang bisa ng mga pasaporte ng mga aplikanteng may 17 taong gulang at pababa (minors)”, paalala ng Embahada ng Pilipinas.
“Ang passport na may sampung taon at limang taon na bisa ay parehong gagamit sa kasalukuyang electronic booklet na walang anumang pagbabago sa disenyo, mga tampok ng seguridad at bilang ng pahina”, dagdag ng Consulate General.
Samantala, ang mga e-passport naman na ipinagkaloob bago ang petsang Enero 2018 ay mananatiling may bisa hanggang sa nakatakdang expiration date ng mga ito.
Para sa karagdagang detalye tungkol sa Philippine passport, mangyaring bisitahin ang Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas sa https://consular.dfa.gov.ph/passport/10-passport/
Basahin rin: