Palermo, June 12, 2015 – Nanumpa ang mga bagong halal na opisyales ng Philippine Don Bosco Association ng Palermo kamakailan sa Sta. Lucia Church Grounds sa harapan ni Dott. Antonio Di Liberto, ang Honorary Consul ng Philippine Consulate of Sicily at Reggio Calabria.
“Dapat isapuso ang pagtupad ng inyong mga responsibilidad at kayo ang mag pasimuno ng pagkakaisa para sa paggawa ng magagandang bagay para sa buong komunidad” mensahe ni Dott. Liberto. Idinagdag pa niya na bukas ang pintuan ng konsolato para tumulong sa anumang adhikain ng asosasyon para sa ikakaunlad ng buong Filipino community hindi lamang sa Palermo kundi sa buong Italya.
Nagbigay din ng mga magagandang mensahe ang mga ilang bisita tulad nina Fr. Sergio Natoli ng Migrantes at Arcobaleno dei Immigrati ng Palermo, Fr. Mario Fugazza – ang paring gumagabay sa mga Pilipino sa Palermo at si Mrs. Corazon Riel mula sa Reggio Calabria – sekretarya ng Filcomfedsi.
Nagpasalamat naman ang bagong halal na presidente na si Mr. Armand Curameng sa lahat ng mga taong nagtiwala sa kanya at sa kanyang mga kapwa bagong halal na opisyales. Ayon dito, gagawin nila sa abot ng kanilang makakaya ang lahat para sa ikabubuti ng bawat miyembro ng asosasyon.
Ang programa na dinaluhan ng higit kumulang na apat na daang myembro ay nagsimula sa isang general assembly na sinundan ng programa kung saan nagpasaya sa pamamagitan ng awit nina Daniele Cabalce at Donnalyn Eugenio at mga magagandang sayaw mula sa mga kabataan tulad ng tinikling na sinayawan din ng mga ilang bisita.
Sa general assembly inilahad at inaprubahan ng karamihan ang mga ilang panuntunan ng asosasyon tulad ng rebisyon ng statuto, membership fee, tatlong taon na panunungkulan ng mga inihalal na opisyales, at ang pagkakaroon ng mga chairman sa pitong zona ng mga Pilipino sa Palermo. Iprinisinta din dito ang mga paunang proyekto ng mga bagong opisyales tulad ng Palaro 2015, Job Assistance, Un’Euro Mula sa Puso, Religious Activities at iba pa. Nagtapos ang programa sa isang salo-salo na blow out ng mga bagong halal na opisyales.
Ang mga bagong inihalal na opisyales ay sina:
President – Armand Curameng,
Vice President – Joselito Malalad,
Secretary – Loredana Cabiles ,
Assistant Secretary – Maryann Lagutan,
Treasurer – Emelia Ignacio,
Assistant Treasurer – Jimayma Gandeza,
Auditors – Allan Acosta, Felix Yanos, Edna Minion,
Business Managers – Jeffrey Coloma at Marlon Lagutan,
P.I.O. – Janet Sales at Jennifer Sager,
Peace Officers – Henry Tumacder, Fristzie Laciste at Jommel Sadicon.
Ipinakilala at nanumpa din ang mga ibinoto ng mga bagong opisyales na mga advisers na sina Maria Luisa Dela Cruz, Alessandra Scannella, Antonio Bacay, Rey Lagutan, Gilda Duran, Jessica Plaga at Relida Gomintong.
larawan ni: Marz Deus