Magkasabay at matagumpay na naidaos ng mga aktibong Pilipino sa Toscana ang selebrasyon ng ika-124 na Araw ng Kalayaan ng Pilipinas na may temang “Pagsuong sa Hamon ng Panibagong Bukas” at ang kanilang isinagawang halalan na nagtakda sa muling pamumuno ni Ginoong Pablo “Pabs” Alvarez para sa kanyang ikalawang termino bilang Pangulo ng CFCT para sa taong 2022 hanggang 2024. Siya ay sasamahan ng kanilang Bise Presidente na si Erick Javier Manalang, bilang Kalihim naman si Anjeline Alvarez, habang si Carlota Anda naman ang nagwagi bilang Ingat-Yaman, naging Auditor naman si Bhaves Bueno Macaraig at nahalal naman na P.R.O. si Loida Lat.
Katulad ng mga naging tradisyunal na selebrasyon ng mga Pilipino, naging pangunahing aktibidad ang patimpalak para sa mga kasaping grupo at asosasyon ng mga Pilipino sa Toscana ay ang pagandahan ng kubo at mga gasebo na pinalamutian ng mga kakaiba at makukulay na dekorasyong Pinoy na masayang sinaksihan at nilibot ng pangunahing panauhing pandangal na si Hon. Consul General Dr. Fabio Fanfani. Sa kanyang sorpresang pagbisita, hindi inaasahan ng mga Pilipino ang kanyang pagdalo dahil sa ito ay kasabay ng kanyang kaarawan at sa kabila ng init ng araw ay masayang binati sila ng Honorary Consul General sa isinagawang taunang selebrasyon gayundin ang mga itinampok na palabas gaya ng sayaw, kantahan, mga masasarap na kakaning Pinoy at palaro.
Sa pangunahing programa ay pinangunahan bilang Pangulo Pablo Alvarez at kanyang Bise na si Renz Ortega at mga opisyales ng Confederation na sina Thelma Martinez Alegre, Adelfa Garcia Punzalan, Gerry Caldo at Shirley Francisco. Kasama ang iba pang mga Advisers at ibang panauhin at mapupuna na naging kahanga-hanga na maraming mga Pilipino ang lumahok at nagdala ng kanilang mga bulaklak at isa-isa nilang inilagay sa harap ng mga larawan ng ating mga bayani.
Sa entablado ay makikita at naroon ang busto ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal na sumisimbolo bilang Pambansang Bayani at naging inspirasyon ng ating mga kababayang Katipunero na makikita na kasamang itinanghal ang mga larawan nina Gat Andres Bonifacio at ng mga iba pa nating mga naging bayani. Ito ay sinundan ng pag-awit ng “Lupang Hinirang” at pambansang awit ng Italya. Masayang ipinagmamalaki naman ng bawat asosasyon sa kanilang partisipasyon ang kanilang pagbitbit ng watawat ng Pilipinas kasama ang kani-kanilang banner na may logo habang isinagawa ang pagmamartsa sa masaya at makulay na parada sa masiglang mga naging tagapagsalita at tagapagpakilala ng selebrasyon na sina Precy Castillo Tejero Agnes Ducusin at Erick Manalang.
Sa likod ng tagumpay ay naging kaagapay ng Confederation ang suporta mula sa mga pangunahing sponsors. Nagpahatid din ng pagbati at pagsuporta ang mga Pilipino sa Modena mula sa TFOE Eagles at Knights of Rizal Modena Chapter. Sa nakakahangang ipinakitang pagtutulungan ng mga Pilipino sa Toscana ay matagumpay na maipagmamalaki dahil isa na namang mahalagang bahagi ng pagiging Pilipino ang “Baliktanaw” sa pagbibigay galang at pagpupugay sa mga naging bayani sa ating kasaysayan at hindi paglimot sa ating mga tradisyon at kulturang Pilipino. Naging lubos naman ang naging kasiyahan ng inanunsyo ang nanalong kubo sa pagandahan ng gasebo ay ang asosasyon ng Mindorenians Group, masaya at matamis nilang ngiti ang nag-uumapaw sa kanilang tagumpay.
Naisagawa ang itinakdang halalan sa patnubay at gabay ng mga nagsilbing kinatawan ng Comelec ay sina Rhod Ople bilang Tserman, mga komisyoner naman ng halalan sina Nelson Rabang, Quintin Enciso Cavite, Rey Reyes at Maria Teresa Salamero bilang Kalihim kaya naging maayos at tahimik na naisagawa ang mga naging pagboto at naging bilangan sa harap ng kanilang mga nagsilbing watcher.
Umabot sa mahigit 47 rehistradong Grupo o Asosasyon na kaanib ng CFCT ang nagsumiti ng kanilang grupo at listahan ng kanilang botante sa Comelec. Matapos mailahad ng Comelec ang mga nagwagi ay maginoong nagkamayan at nagbatian ang lahat kasunod ang sama-samang paglilinis at pagliligpit ng mga ginamit sa pagtatapos ng okasyon na ginanap sa Sorgane Impianto Campo Sportivo, Sorgane, Firenze.
Sa panibagong termino ng paglilingkod bilang presidente, pipilitin niyang magampanan at marami pang proyekto ang kanyang nasa isip para maihandog sa mga kababayan habang ginugunita ni Ginoong Alvarez ang mga kinaharap na suliranin ng mga Pilipino sa panahon ng pandemya. Dala ang pag-aalala sa mga kababayan siya ay nakikibalita at nagungumusta at hindi niya inalintana ang takot at hirap ng sitwasyon noon para makapag-abot ng tulong sa mga apektadong mga pamilyang Pilipino sa kanyang nasasakupan sa pamamagitan ng kanyang patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulan katulad ng Red Cross, Comune at kinatawan ng Simbahan sa Firenze. Ang paglilingkod ay hindi nagtatapos kahit may pandemya gayundin ang pagtulong at pagsagip sa mga nangangailangan ng kanyang tulong sa abot ng kanyang makakayanan. Kaya sa kanyang pasasalamat, ito marahil ang mga naging dahilan na sa kabila ng may pandemya na hinaharap ay muli siyang nahalal bilang pangulo sa pangalawang pagkakataon. Isang kahanga-hangang pagmamalasakit na taglay ng bawat Pilipino na dapat at magdamayan sa oras ng pangangailangan at pagbibigay ng oras at panahon ng walang pag-iimbot at anumang kapalit.
July 3, 2022 Circolo ARCI Novoli, Firenze. Pinangunahan naman ni Rev. Fr. Cris Crisostomo ang kanilang naging Pasasalamat at Panunumpa sa Tungkulin bilang bagong talaga na mga opisyal ng CFCT o Confederation of Filipino Communities in Tuscany. (Carlos Mercado Simbillo)