in

BALIK SA BASIK 2017, isang tagumpay para sa komunidad ng mga Pilipino

BASIK para sa Buhay na Anyo ng Sining at Kultura, isang konsepto mula sa mayamang konsepto ng Balik sa Basik.

 

Naging bahagi ka na ba ng isang matagumpay na aktibidad na nagkaroong ng kahalagahang panlipunan sa inyong siyudad? Maaaring isa ka sa miyembro ng grupong nagtaguyod nito, o kaya ay magulang ng isang kabataan o kaya ay mismong kandidato o kandidata sa patimpalak, at maaari din namang isa sa sumuporta bilang isponsor at katuwang sa programa o kaya naman ay kabilang sa mga dumalo? Maging sino ka man sa kanila, maipagmamalaki mo na naging bahagi ka ng isang programang nagtaguyod para sa pagbabahagi sa mga kabataan ng isang karanasang mananatili na sa kanilang katauhan, ang maging modelo ng mga likha ng pamosong Pilipino, si RENEE SALUD, sa larangan ng istilo at fashion. Bukod pa dito ay napalawak ang kaalaman nila , maging ng mga nagsidalo sa kung ano ba ang kultura at tradisyon ng mga Pilipino at ang masiglang pag-aanyaya na marating ang magagandang tanawin at makasaysayang lugar ng ating bansa.

Ito ang kabuuan ng konsepto ng Balik sa Basik. BASIK para sa Buhay na Anyo ng Sining at Kultura, isang konsepto mula sa mayamang pananaw ni Bb. Marian Laarni Silva, ng Padova. Nilayon niya na maipatanggap sa makabagong henerasyon ng mga Euro-Pinoy dito sa Italya ang arte at kultura , maging ang turismo sa ating bansa. Dahil silang mga kabataan ang salat na sa kaalaman ukol sa kagandahan at kayamanan ng ating kultura. Kinailangang magkaroon ng kakaibang pamamaraan upang ito ay maipakilala sa kanila, kaya nga nabuo ang konsepto ng isang “fashion show with social relevance”. At ito nga ang Balik sa Basik.

Noong nakaraang taon, dalawang siyudad, ang Modena at Venezia, ang tumugon sa panawagang maisabuhay ang konseptong ito. Dahil sa tagumpay nito, limang siyudad ang ginanapan sa taong ito, sa Udine, Milan, Bologna, Venezia at Roma, kung saan mas maraming kabataan ang nakilahok at mas naipalaganap ang layuning maipakilala ang likhang Pilipino, partikular ang mga disenyo ni Renee Salud,  sa pamamagitan ng mga yaring damit nito na gawa mula sa Philippine fiber gaya ng pinya, jusi at abaka. Kasabay din nito ang adhikaing mahikayat ang mga Pilipino maging ang mga ibang nasyonalidad  na bisitahin ang ating bansa sa programa ng Department of Tourism na “Let’s bring Home a Friend”. Ang mga nagsipagwagi sa mga patimpalak ay magsisiuwi sa Pilipinas sa susunod na taon, bilang bahagi ng kanilang pagkapanalo at  magiging representante ng komunidad ng mga Pilipino sa promosyon ng turismo.

 

Sa Bologna, na ginanap noong ika-22 ng Oktubre, 2017, dalawampu’t limang kabataan ang lumahok sa patimpalak na kaakibat ng Balik sa Basik, ang Lakan at Lakambini ng Kulturang Pilipino. Ang nag-organisa nito dito ay ang Filipino Women’s League, isang grupo ng mga kababaihan na may 5-puntong programa, ang “unity, volunteerism,  servant leadership, upliftment and empowerment of women and the youth”.  Sa pamumuno ni Mercedita de Jesus, nagkaroon ng kakaibang konsepto ang Balik sa Basik, dahil sinangkapan nila ang programa ng diwa ng pagka-Pilipino sa pamamagitan ng pagsusuot ng mga miyembro nito ng tradisyonal na kasuotang Pilipino, maging ang pagtatanghal ng sayaw na Singkil at paggagawad ng tropeo na may ideyang mula sa hibla na abaka at pinya , na nililok  ng malikhaing kamay ng Pinoy artist na si Dandy Robosa ng Florence. Ang mga sertipikato naman na ibinigay sa mga kabataan at sa mga isponsor ay nakakuwadro ding gawa sa kahoy. Ang mga naging direktor ng programa ay mga batikan ding sina G. Cata Figueroa, Jr.  at G. Raymond Villanueva, sa tulong din ng mga wardrobe consultant at assistants na sina Jun Ongsio, Monica Salud at Elvie Salud. Ang mga naging guro ng palatuntunan ay sina Adelle Ignacio at Elisha Hidalgo ng FWL.

Gaya ng mga nakaraang programa ng Filipino Women’s League, naglaan pa muli sila ng maihahandog sa kanilang mga beneficiaries gaya ng Project Aral ni Fr. Joemar Sibug para sa mga kabataan sa  Babuyan Islands, ang Tahanang Mapagpala Home for Elderly Women sa Bulacan, ang Tahanang Walang Hagdan at Balay Taripato sa Ilocos at para sa mga mag-aaral sa  South Cotabato Elementary School. Bahagi ng mga naibentang raffle ticket ng mga lumahok na kabataan ay dito mailalaan. Kaya nakapagbigay na ng isang magandang programa ay makapaghahandog-tulong pa sa mga nangangailangang kababayan natin sa Pilipinas.

Ang mga nagsipagwagi sa Balik sa Basik sa Bologna ay sina: RALPH SILAY at CELESTE CORTESI bilang Lakan at Lakambini ng Kulturang Pilipino; Rojemar Pis-oy at Megan Padilla bilang first runners-up at Jason Cruzat at Joshua Mae Asi bilang second runners-up.

Sa minor awards ay sina: Megan Padilla at Rojemar Pis-oy- Best in Modern Barong; Joshua Mae Asi at Ralph Silay – Best in Formal Wear; Celeste Cortesi at Jason Cruzat – Best in Philippine Weaves; Rojemar Pis-oy at Donna Rose Junio – Mr. and Miss Photogenic; Reigven Concepcion at Abriella Arceo – Mr. and Miss Congeniality; Kelwyn Vizarra at Diane Magtibay – Mr. and Miss Charity; Kelwyn Vizarra at Nina Ella Landicho  – Mr. andMiss Social Media.

Pumili rin si Renee Salud ng Male at Female Star of the Night, dahil sa kakaibang pananamit at impresyon ng gabing iyon,  sila Kevin Magnavacchi, ang first runner-up noon sa Balik sa Basik Modena 2016 at Mary Cris Cocjin ng FWL, na ang suot ay tradisyonal na damit sa Mindanao.

Ang mga hurado ay binubuo nila Renee Salud bilang tagapamuno, kasama sina Rachelle Hangsleben, isang American teacher at feminist leader /fashionista; Azenith Tonio, isang couturier at community leader mula sa Barcelona, Spain, at sina Ms. Christie  Navarro at  Mr. Gadia ng Dept. of Tourism.

Masasabing matagumpay ang naganap na programa base sa bilang ng nagsidalo na umabot sa mahigit  na 300 katao at ginanap sa Savoia Hotel Regency , isang 4-star hotel sa Bologna, at base na rin sa positibong mga komento at papuri ng mga bisitang Italyano at ibang nasyonalidad, maging ng mga kapwa-Pilipino….tunay ngang maipagmamalaki ang talentong Pinoy, ang arte , kultura at turismong Pilipino.      

 

 

 

Sinulat ni:

SIERRA M. DELA ROSA

Bologna-Filippine News

OFW WATCH News and Stories

Mga kuha ni:

Che-Che Sampang

Gene De Jesus

 

 

 

          

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Pagsusumite ng application form ng Reddito di Inclusione, simula Dec 1

ISEE online 2017/2018: maikling gabay paano gawin