Tagumpay sa pagtataguyod sa musika na naging daan tungo sa kawanggawa, ang katatapos lamang na BANDemic Fest 2021 Charity Concert.
Lundagan ng lundagan, sabay sabay ang padyakan, galaw ng ulo at ng mga kamay sabay sa bagsak ng tugtugan.
Sabado ika-4 ng Disyembre isang konsyerto ng ilang mga banda ng musika dito sa Roma ang nangalampag sa mga nasasabik na mga kababayang Pilipino ang matagumpay na naidaos. Yumugyog ang salas ng ALA EH Resto sa mahigit 200 katao na nakisaya sa naturang BANDemic Fest. Kasama ng Jack Productions ang grupo ng Danziklaban at Hataw Ma Organization para maisakatuparan ang konsiyerto na ito.
Sa gitna ng ating dinadanas na pandemya ay nagawa pa rin ng mga organizer na sina Jaiane Morales, Alex Kurt Gunda at Cocoy and Conrad Russel Calibig at Kreuss Maaku (ang bumubuo ng JACK Productions) na mabigyan ng kasiyahan ang mga Pilipino sa Roma. Mababakas sa saya ng mga manunuod ang pananabik sa mga okasyong tulad nito. Sama-samang nagbigay ng kanilang mga musika sina Charles & Deiv, Simply 2, Ala Eh Band, Happy Jam, RacinFar, Trio, Mo Chuisle at Filipino Rappers (Roma Gang-Trill Villains).
Bahagi ng tagumpay ng BANDemic Fest sina Nilo de Castro, Heidee Leonor at ang buong staff ng ALA EH Resto sa pagpapagamit ng kanilang pwesto at sa napakaganda nilang serbisyo sa mga manunuod. Sumunod din sa protocol ang resto at isa-isang hinanapan ng Green Pass at kinontrol ang mga bag at mga dala para na din sa seguridad ng lahat.
“Ipinaabot po namin ang aming taos pusong pasasalamat sa lahat ng mga sumuporta, bumili ng tiket, sa mga may mabuting puso naming mga Sponsors at mga kaibigan at ganun din sa ALA EH Resto para sa venue. Kasama po namin kayo sa tagumpay ng BANDemic Fest at kasama kayo sa mga proyekto namin sa Pilipinas” ang makabagbag damdaming pasasalamat ni Kreuss Maaku.
Ang BANDemic Fest ay isa lang sa mga nakaprogramang mga kaganapan na inihahanda para sa mga susunod nilang proyekto. Bukod sa Danziklaban ay binabalak din nilang magkaroon ng mga 1 day league tournament na lahat ay pawang “for charity cause”.
“Maipagmamalaki po namin na kami ay nakalikom ng €1,474. Ito po ay para sa mga proyekto namin sa Pilipinas. Hahatiin po namin ito sa mga napiling mga pagbibigyan ng mga orgnizers. Ang pagbibigyan ko po ay ang Our Lady of Perpetual Help Childrens Home, Sisters Oblates sa Taal Batangas”
Jaiane Hawak Morales
“May kababayan po tayo dito sa Roma na may kapansanan na nais kong bigyan ng tulong at ganun din ang aking mga kababayan sa Brgy Labas Olympia Subdivision Sta Rosa, Laguna. Sa kanila ko po nais itulong ang aking bahagi”
Alex Kurt Gunda
“Sa Paete Laguna, sa Brgy Ilaya del Sur ay marami kaming mga kababayan na mabibigyan ng tulong dahil sa Bandemic Fest na ito”
Cocoy and Conrad Russel Calabig
“Ang sa parte ko po ay para sa Brgy.Malibu at Brgy.Palincaro Tuy,Batangas. Magbibigay po kami ng facemasks at school supplies sa mga Eskwelahan sa aming Barangay.
Hindi natin kailangang maging mayaman upang makatulong sa mas nangangailangan.Kung gugustuhin natin makatulong, Makakagawa tayo ng paraan.”
Kreuss Maaku
(ni: Teddy Perez)