Firenze, Nob. 27, 2012 – Apatnapung participants ang nakibahagi sa isang araw na “Basic Life Support Training” (Primo Soccorso) na pinamunuan ng Filipino Nurses Association of Tuscany (FNAT) sa pangunguna ni Pres. Remely Abrigo. Ginanap ito sa Istituto Fanfani, Piazza della Indipendenza, Firenze noong Nobembre 25, 2012 sa pakikipagtulungan ng Office of the Honorary Consulate. Kasama rin ang isang Emergency Team na kinabibilangan nina Dott. Brandi Pasquale – Event Director, Dott. Raphael Ngandjui – Vice Director, Profesional Nurses Nicola Di Cuio, Federico Corrieri at Massimo Martorana-Coordinator.
Ang training ay hinati sa dalawang bahagi, sa unang tatlong oras ay ang theory na mahusay na ipinaliwanag ng grupo ng emergency team, nagkaroon ng questions and answer na magaling din nilang nasagot. Sa ikalawang bahagi ay ang kumpletong pagsasagawa at actual na pamamaraan kung paano makakatulong sa isang kaso ng emergency. Hinati sa apat na grupo ang mga participants at isang instructor upang isagawa ang tamang pamamaraan ng nasabing kurso sa pamamagitan ng isang manikino.
Maganda ang naging resulta ng naturang training kaya natuwa ang mga instructors dahil magagaling ang mga Pinoy at masaya rin ang mga nakilahok dahil sa bagong kaalaman. Ang lahat ng participants ay nakatanggap ng “Official Certificate” na isinasaad ng articolo ( D.L 81 del 09 Aprile 2008) “Sicurezza e Prevenzione sui Luoghi di Lavoro”.
“Isa pong napakagandang proyekto na ang matututunan ay malaking maitutulong sa ating pang araw araw na pamumuhay upang makasalba ng isang buhay sa oras ng emergency ang handog namin (FNAT) sa mga Pilipino dito sa Tuscany, nagpapasalamat ako sa effort at collaboration ng mga kasamahan kong nurses, sa mga doktor at nurses ng emergency team, kay Simona Amerighi – Consulate Staff, sa Filcom participants at sa walang sawang pagtulong sa aming grupo ni Hon. Consul Dott. Fabio Fanfani masayang pahayag ni Pres. Remely Abrigo”. Dahil sa tagumpay ng nasabing event magkakaroon ng 2nd batch sa susunod na taon. (ni: ARGIE GABAY)