in

Basketballers in ROME sa kanilang pang 11 taong pagsasama

Isa lamang sa mga grupo ng mga basketbolista sa Roma ang Basketballers na patuloy na nagpapayaman ng kahiligan ng mga Pilipino sa larong basketball. Wika nga sa salitang banyaga, “basketball never stops”.

Pinatutunayan nila na walang hadlang ang edad para sa larong basketball. Ayaw pa din nilang magpatalo at sila daw ang mga “hindi pa laos” bagaman makikita mo sa kani-kaniyang bag ang “bengay”, “omega pain killer”, “OKI” at ibang mga vitamins… daw.

Nagsimula ang grupo noong 2009 sa palaruan sa may Via Bixio na pinamunuan nina Dean Alonzo at Eddie Dayandayan at nuong 2013 ay lumipat naman sa palaruan sa may Arco Traventino. Mahigit lang sa sampung (10) manlalaro nagsimula ang grupo at ngayon ay hindi na din mapigilan ang pagdami, umabot na sa mahigit na apatnapu (40) ang naglalaro.

Ang “magpapawis” at “laro-laro” lamang ay nauwi na sa paliga na binubuo ng apat (4) na koponan. May mga namumunong mga nagmamatanda sa bawat team. Sina Selmo del Carmen, Mike Moreno, Pako Perez, Joey Cudiamat, Teejay Adem, Felipe Agoncillo at Teddy Perez ang mga beteranong kasama nina Dean Alonzo at Eddie Dayandayan. Sa suporta at respeto ng mga mas nakababatang mga manlalaro ay patuloy na nagiging matagumpay ang mga nagiging palaro.

May buwanang kontribusyon ang mga manlalaro para sa bayad sa gym. Nakapundar na din ng “time clock” at “digital scoreboard” ang grupo. Sumusuporta din sa mga “one day league for a cause” ang grupo at maganda din naman ang nagiging resulta sa mga sinasalihang mga paliga.

Bukod sa nalilibang sa paglalaro at pagpapawis ay nagkaroon ng magandang samahan ang grupo. Pagkatapos ng paglalaro tuwing Sabado ng gabi, tuloy sa park na malapit at sama-samang pinagsasaluhan ang mga dalang pagkain at inumin. Nagkakaroon din ng “awarding” at ng taunang pagtitipon at pagsasama-sama ang mga manlalaro kasama ang kanya-kanyang pamilya.

Patuloy pa din ang pagdami ng bilang ng mga manlalaro, maraming nais at naghahangad na makalaro, patunay lang na may magandang samahan at may respeto ang bawat isa. Kaya naman kasama sa paglalaro ang dasal na gabayan ng Panginoon ang mga manlalaro na pagpalain ng lakas at kaligatasan ang bawat isa.

“Naglarong sama-sama,

nanalo ng sama-sama.

Natalo ng sama-sama,

sa huli… ay magkakasama”

Teddy Perez

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Naturalized Italian, maaaring gawing regular ang pananatili sa Italya ng kapatid na turista?

Parent Consent, kailangan nga ba talaga ng menor de edad sa pagbiyahe?