in

Basketballers, tagumpay ang Awarding Day

Isang napakasaya at matagumpay na pagdiriwang ng “Awarding Day” ng grupong “BASKETBALLERS” ang naganap noong Oktubre 15, 2023. Nakaraos na naman ang isang torneo ng samahan na naglalaro tuwing Sabado sa isang gym sa Monti Tiburtini, Roma.

Ang Basketballers ay isang samahan ng mga manlalarong Pilipino sa Roma na mahigit ng sampung taon ng magkakasama. Unang sinimulan ito nina Martin, Eddy at ng iba pang mga manlalarong “hindi pa laos”, mga “veterans” na naghahangad na patuloy pang makapagpapawis at magpatuloy sa paglalaro ng kinahiligang basketball.

Sanhi ng pandemiya ay natigil ang palaro at sinimulang muli nitong taon ng 2023 at pinamunuan nina Selmo at Mike at sa kooperasyon ng ilang “veterans” at ng mga datihan at bagong mga manlalaro.

Hangad ng Basketballers na makabuo ng hindi lang isang grupo bagkus isang solidong samahan na kasama ang mga pamilya. Hinggil sa pagkakaiba-iba ng mga grupo ay nabubuo at nagkakasama-sama ang mga manlalaro tuwing Sabado hanggang sa pagsasalu-salo ng mga dalang pagkain pagkatapos ng laro. May mga nagdadala ng kanin, adobo, pansit, lechon, matam…es at iba pang bitbit ng bawat team.

Masaganang hapag-kainan, puno ng mga pagkain at matamis ang pinagsalu-saluhan ng araw ng awarding. Pinamahalaan ng mga Ginang ng mga manlalaro ang pag-aayos ng lugar. Nagpalaro din ng Bingo, Pinoy Henyo, Pasa-Bote at iba pang nakakatuwang palaro. At syempre hindi mawawala ang kantahan at sayawan.

Apat na koponan ang naglalaban-laban at itong taon ng Monti Tiburtini Cup 2023 ay nagwagi at tinanghal na kampeon ang Team Teddy ng talunin nila ang Team Joey sa isang napakagandang larong nag “overtime”. Pangatlong posisyon naman ang Team Filippo dahil tinalo nila ang Team Pako. Nabigyan ng mga tropeo ang apat na koponan at mga medalya ang “Champion Team” na sina Madison, Lauro, Dennis, Edmil, Jonaz, Cris at Teddy. Nabigyan din ng medalya ang “Mythical 5” na sina Duncan, Lauro, Marvin, Marcus at Madison na siya ding MVP ng paliga. Para makumpleto ang isang team, binigyan din ng  mga medalya ang 2nd Mythical 5 na natanggap nina Neil, Jonaz, Dondon, Jong at Olan. Si Edmil ang Best 3 point shooter, si Nestor naman ang Best Defensive Player, si Marvin ang Best scorer na nagtala ng pinakamaraming puntos, Best Sportsmanship Player si Val at MVP-Veterans si Teddy.

Hindi nakalimot na magbigay ng panalangin at magpasalamat ang lahat sa matagumpay na palaro at pagsasama-sama ng samahang Basketballers. Ngayon pa lang, lahat ay sabik na hinihintay ang susunod na paliga at ang muling paghaharap-harap ng apat na koponan.

Sama-samang maglalaro. Sama-samang mananalo, sama-samang matatalo. Sama-sama pagkatapos ng laro

(ulat ni Teddy Perez)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Ano ang Decreto Flussi?

Pagtatanghal ng Balik sa Basik 2023 sa Roma, tagumpay!