Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagsama-sama ang labing limang zumba groups na kinabibilangan ng mga OFW at mga kabataan sa Milan na inorganisa ng VIP dance guru XP Dimaano. Sa temang “Zumba para sa Bayan” na ginanap sa Sports Ideal Gym dito sa Milan, layunin niya ang tulungan ang mga biktima na naapektuhan ng Taal volcano eruption kamakailan.
Bilang pagsuporta ng mga Zumba groups sa layunin ng dance guru ay nagdala ng mga reliefs goods at tulong pinansiyal ang mga dumalo. Nakibahagi rin dito ang mga photographers at videographers kasama rin pati ang mga pinoy djs sa kanilang libreng serbisyo bukod pa sa dalang mga reliefs para sa mga kababayan nating mga Batangeño.
Sa bawat patak ng pawis ng mga lumahok habang sinasayaw ang mga zumba mixes ay naiibsan pansamantala ang kanilang pag aalala sa mga minamahal sa buhay na nangangailangan ng tulong sa Pilipinas partikular ang mga biktimang naapektuhan sa pagsabog ng bulkan.
Maliban sa nasabing Zumba groups sa Milan ay mayroon din iba’t ibang grupong nag ambag-ambag “in cash and in kind”, gaya ng “The Good Samaritan” sa pamumuno ni Eduardo Abrasaldo na nagpadala ng mga face-mask at iba pang mga kagamitan at tulong pinansiyal.
Ang grupo ng mga tiga Banyaga Batangas ay nagpulong-pulong din kamakailan. Ayon kay Boks Molera, presidente ng “Banyaga, Agoncillio Asosasyon ng Milan”, ay ipinagpaliban muna nila ang pagdiriwang ng kanilang piyesta sa Milan dahil ang kanilang pondo ay ipapadala na lamang sa kanilang mga kababayang naapektuhan.
Maski ang grupo ng Mulanay sa Milan ay nagbigay din ng tulong pinansiyal.
Si Kae Mendoza, tubong Pook Batangas, ay humingi din ng tulong sa mga OFW sa Milan at mula noong eruption ng bulkan ay walang patid ang kanyang mga updates sa Social Media ukol sa sitwasyon sa Pook at sa mga karatig lugar na nasasakupan ng Taal.
“Dahil po madaming nagchachat sa akin sa facebook messenger at nangungumusta at voluntary po sila na nagbibigay ng tulong, kaya na isip ko na lang magpost na mag kulekta ako, since nakita ko din po kung gaano napinsala yong lugar naming. Pinangalanan ko ng “ForzAgoncillo” (o laban Agoncillo) at bilang mga andito po sa Italia kaya Forza.” Paliwanang ni Kae.
Dagdag pa niya na nakalikom siya ng mahigit 100,000 pesos (converted) mula sa mga kababayan sa Milan na agad niyang pinadala sa mga kababayang apektado ng eruption.
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga grupo at indibiduwal sa Milan at North of Italy na nakiisa kundi marami pang ibang grupo at indibiduwal ang tumulong sa pagbangon ng Batangas sa lalong madaling panahon.
Samantala, lubos ang paghanga ng bagong talagang Philippine Consulate General Milan Consul General Bernadette Therese Fernandez sa bayanihan ng filipino community sa Milan at North of Italy dahil walang patid ang kanilang pagpapadala ng tulong sa Pilipinas partikular sa mga kababayan na apektado sa eruption ng Bulkan Taal sa Batangas.
“Yong pag assiste ng kunsulado, it is more on information dissemination, kung may activities ang mga Filipinos, they have fund raising events, we can’t directly endorse, we can’t join as a co-organizer, but we can attend their events, we have instructions galing sa Manila, that there is no call for international assistance with regards to the Taal volcanic eruption” paliwanag ni ConGen Fernandez
Inaasahan pang mag dadagsaan pa ng maraming relief goods at tulong pinansiyal mula sa mga ofws ng milan at north of Italy sa darating pang mga araw. (ni: Chet de Castro Valencia)