in

Bayanihan sa Bologna Matapos Masalanta ng Flash Flood

Matapos ang magdamagang ulan at flash flood na naganap sa ilang mga lugar sa siyudad ng Bologna noong Sabado, ika-19 ng Oktubre, 2024, nasaksihan ang bayanihan sa Bologna. Kalsada at gusaling punum-puno ng putik, mga nagkalat na mga gamit at muwebles na tinangay ng baha, mga naiwang tubigan pa sa mga daanan, ito ang mga naging saksi sa pagtutulungan ng mga kababayang Pilipino, mga Italyanong residente at iba pang lahi.

Partikular sa mga naganap na pagsasaayos ng mga iniwang pinsala ng bagyo at baha, kapansin-pansin ang pagkakaisa ng bawat lahi na nagboluntaryo. Isa sa kinatawan sa Zona Andrea Costa ay ang grupo na pinangunahan ng 75-anyos na si Norly Garcia, residente sa Bologna. Kasama niya ang kanyang mga kaibigan, nagluto sila ng pansit at nagdala ng tubig para maisama ito sa pantawid-gutom at uhaw na inihanda para sa  mga volunteers. May mga tinapay na dinala naman ng iba pang may busilak na puso.

 Ang tahanan naman ng pamilya ng mag-asawang Leira Fernando at Zariele Bariele Bugayong ay ang siyang nabuntunan ng malaking pinsala dulot ng baha. Nawasak ang pintuan at kusina at nasira halos lahat ng gamit at kasangkapan. Pati mga damit nila at gamit ng anak nilang 3-linggong gulang lamang ay nabaon sa putikan o natangay na rin ng baha. Nabasa din ang mga mahahalagang dokumento nila. Sa ngayon, ang 31-taong gulang na ina na si Leira ay kasalukuyang nagpapagaling sa hospital matapos mabilisang madala dito noong madaling-araw ng Linggo dahil sa panic attack at dun na rin natuklasan ang karamdaman niya sa pulmon. Ang kanyang mag-ama ay nanunuluyan muna sa kanyang mga magulang.

Ang mga kababayan sa Bologna, mga miyembro ng Federation of Filipino Associations at mula rin sa iba pang organisasyon, mga panrelihiyosong samahan at zumba groups, ay nangangalap ng tulong para sa mag-anak. Maghahandog din ng tulong ang Konsulato ng Milan sa pamumuno ni Consul General ELMER CATO at ang iba pang miyembro ng Emilia Romagna Alliance of Filipino Communities (ERAFILCOM).

May link rin para sa account sa https://gofund.me/32c3d4a9   para makapagdonasyon sa kanila.

Buhay na buhay pa rin ang Bayanihan sa Bologna at sa kalakhang Italya dahil na rin sa likas na pagkamatulungin ng mga Pilipino at pagbibigay ng suporta sa mga nangangailangan.

Ulat ni: Dittz Centeno-De Jesus at Mga Kuha ni:Janet Diamsay

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

Tessera Sanitaria, balido ba sa ibang bansa sa Europa?

Mula sa Pag-rollback ng Halaga ng mga Pasaporte Hanggang sa Paglabas ng Dekreto, Tinalakay ng OFW Watch at PCG Milan