Parami ng parami ang mga professional Pinoys sa Italya at sila ang katuparan ng pinapangaral na pagbabago ng imahe ng mga Ofws sa bansa. Isa na dito si Kathleen Serrano, isang 23 anyos at isang registered Nurse sa Vicenza Italy.
Siyam na taong gulang pa lamang si Kathleen ay pangarap na niya ang maging isang nurse. Partikular, tuwing siya ay nagkakasakit noong bata pa, ramdam niya ang haplos ng pagmamahal habang inaalagaan sya ng kanyang mga magulang. Ganito rin ang nais isukli ng dalaga sa mga magulang na parehong tubong Batangas. “Habang buhay ako, nandito lamang ako para sa inyo”, pangako ni Kathleen sa sarili. At ito ang naging inspirasyon niya sa pag-abot ng kanyang pangarap.
Sa pagpasok sa University of Padua, hinarap ng dalaga ang maraming pagsubok sa loob ng tatlong taon. Hindi naging madali ang ibalanse ang oras at panahon: pag-aaral at tirocinio o internship sa ospital sa panahon ng pandemya, kasabay ang takot para sa sarili at sa pamilya. Bukod pa dito ang mga projects at ang thesis.
Ngunit lahat ng ito ay napagtagumpayan ni Kathleen: una sa pamamagitan ng pananampalataya at ikalawa sa pamamagitan ng pagsusumikap. “I overcome all the obstacles and insecurities by relying on God’s Word and His promises to me. I knew that, me alone am not enough. So I focus on the things that really matter, work hard and pray”, ayon kay Kathleen sa panayam ng Ako ay Pilipino.
Hindi nga naglaon ay nakapagtapos ng pag-aaral si Kathleen. Nakatanggap ng maraming job offers sa Italya at sa ibang bansa ng Europa. Lubos ang kanyang pasasalamat sa mga taong naging bahagi sa kanyang pagsusumikap.
Itinanghal din na “Best Thesis in Cardiology” ang kanyang thesis sa pagtatapos ng taong 2021. “L’educazione a breve e a lungo termine del paziente cardiopatico trattato con PTCA (Percutaneous Transluminal Coronary Angioplasty). Revisione della letteratura”, ang titolo ng kanyang thesis. Ang pangunahing layunin ng thesis ay ang makahanap ng mga solusyon sa problema ng stress, pagkabalisa at depresyon na kadalasan ay hindi tinatalakay, ngunit scientifically proven na ito ay maaaring magpataas ng posibilidad na magkaroon ng Myocardial Infarction. Ang Coronary Heart Disease ang nangungunang sanhi ng pagkamatay sa buong mundo, kahit ng mga Pilipino.
Sa katunayan, inamin ng dalaga na noong una ay nangamba sya na hindi makakapagtapos sa panahon dahil bahagyang nahuli sa ilang exams at na-stress din umano sya sa kanyang thesis. Ngunit patunay lamang na ang pagiging focus at pagtitiyaga sa anumang bagay ay ginagantimpalaan.
The secret to become successful is to envision yourself victorious and make it a habit. Wake up early, write down your goals, consider all the costs, make plans and be highly focused. Ultimately, do all things with loving-kindness and know that God has your best interest!”
Kasalukuyang full time nurse sa isang Centro Riabilitativo sa Malo Vicenza si Kathleen. Ngunit hindi nagtatapos dito ang kanyang mga pangarap dahil magpapatuloy sya sa Master’s degree upang maging isang nurse anesthetist.
Para sa mga kabataan, payo ni Kathleen na gawing inspirasyon ang mga magulang at ang kanilang mga sakripisyo at pagsusumikap. Aniya, ang mga magulang ang ating number 1 supporters. “Mahalin at maniwala sa sarili. Yakapin ang buhay kasama ang mga hamong hatid nito. Panghawakan ang pananampalataya at hindi magtatagal ay maaabot ang mga pangarap“, pagtatapos ni Dott.ssa Kathleen Serrano.