Bumaba sa taong 2015 ang bilang ng mga regular na Pilipino sa Italya. Bumaba rin ang bilang ng mga Pilipinong pumasok sa bansa sa parehong taon. Samantala, tumaas naman ang bilang ng mga Pinoy na nais maging ganap na Italyano. Narito ang report ng Ministry of Labor and Social Affairs.
Roma – Ayon sa report na inilathala ng Immigration Department ng Ministry of Labor and Social Affairs na tumutukoy sa mga katangian ng 15 pangunahing nasyunalidad sa Italya,ay bahagyang bumaba ang bilang ng mga regular na Pilipino na naninirahan sa bansa.
Bukod sa laki ng populasyon ay inilarawan rin ng nabanggit na report ang mga pangunahing dahilan ng paninirahan sa Italya, kabilang din ang uri ng trabaho, dokumentong hawak gayun din ang bilang ng mga menor de edad partikular ang mga mag-aaral.
Ayon sa Ministry of Labor, ang mga Pilipino ay isa sa mga pinaka-malaking komunidad sa Italya, marahil dahil na rin sa nag-uugnay sa dalawang bansa: una ang relihiyon at ikalawa ay ang tagal ng panahon ng migrasyon ng komunidad kumpara sa ibang non-European communities.
Sa katunayan, hanggang Enero 1, 2016, ay naitala ang bahagyang pagbaba sa bilang ng mga Pilipinong regular na naninirahan sa Italya sa 167.176 kumpara sa naitala sa naunang taon na 169,046.
Nananatiling mataas ang bilang ng mga kababaihang Pilipino kaysa sa mga kalalakihan kahit sa taong 2015. Ang mga kababaihan ay kumakatawan sa 57.3% kumpara sa 42,7% ng mga kalalakihan, hanggang sa panahong nabanggit. Ang bilang na ito, gayunpaman, ay maituturing na balanse sa kabuuang bilang ng mga dayuhan sa bansa (51% ang mga kalalakihan at 49% ang mga kababaihan).
Kumakatawan sa 56% ng mga Pilipino ang naninirahan sa dalawang pangunahing lungsod ng Italya, Milan at Rome. Partikular, 34.3% sa Lombardia, 27.8% sa Lazio at 8,5% sa Emilia Romagna. Ito ay dahil na rin sa hanapbuhay ng mga Pinoy na nasa service sector o service to person na karaniwang mataas ang demand sa mga pangunahing lungsod.
Dahilan ng pananatili sa bansa
Sa kabila ng bahagyang pagbaba sa bilang, ay maituturing na matatag na ang migrasyon ng Pilipino sa bansa. Ito ay mapapatunayan rin sa mga uri ng dokumento ng mga Pilipino na nagpapahintulot sa kanilang regular na pananatili at pagta-trabaho sa Italya. Sa katunayan ang mga Pilipino na nagtataglay ng tinatawag na EC long term residence permit o dating carta di soggiorno ay tumaas sa 55.8% kumpara sa 47.4% noong 2012 at 52.3% noong 2014.
Nananatiling malaking bahagi ng bilang ng mga Pilipino ang nagtataglay ng permit to stay para sa trabaho na pangunahing dahilan ng paninirahan sa Italya. Ito ay tumutukoy sa higit sa kalahati ng populasyon ng komunidad o 55.7% ng mga renewal ng permit to stay, kumpara sa 42% ng ibang non-European community. Tumaas naman sa 39.7% o 29.376 ang mga mayroong motivo familiare kumpara sa 25% noong 2014.
Kaugnay nito, naitala rin ang pagbaba sa bilang ng mga Pilipinong pumasok sa Italya sa taong 2015, na umabot sa 4.003 (mas mababa ng 30% o 5.691 kumpara noong 2014). 82.6% ng bilang na ito ay dahil sa motivo familiare at 7% lamang ang mayroong work permit.
Sa katunayan, ay kapansin-pansin ang malaking pagbaba sa bilang ng mga pumapasok na Pilipino sa bansa, mula 18,000 noong 2012 sa halos 4,000 ng 2015 (mas mababa ng 79%).
Samantala, tumaas naman sa 3,050 ang mga nag-aplay ng Italian citizenship sa taong 2015 kumpara sa 894 lamang noong 2012. Dahilan ng mataas na bilang ay ang citizenship by residency na tumaas ng 463%, at ang ikalawang henerasyon sa pagsapit ng 18 anyos na tumaas rin sa 218%. Bumaba naman ng 17% ang mga aplikasyon ng citizenship through marriage.
Kaugnay nito, mapapatunayan sa pamamagitan ng mix marriage ang mabagal na integrasyon ng komunidad. Sa katunayan, sa taong 2014 nagkaroon lamang ng 114 (o ang 1%) mix marriage sa komunidad kung saan 91% nito ay tumutukoy sa pagitan ng isang Pilipina at asawang Italyano; at ang 9% ay tumutukoy sa pagitan ng isang Pilipino at asawang Italyana.
PGA
Source: www.integrazionemigranti.it