Sa pangunguna ni Dante Mulingbayan Atajar ay muling sumabak sa ginanap na Karate World Cup ang Black Squadron nitong Nobyembre sa Udine.
Muling nagpakitang gilas ang Black Squadron sa larangan ng Karate at nasungkit ang 2nd place sa ginanap na Wuko & Ad 9th World Cup sa Lignano Sabbiadoro (Udine) Italya nitong Nobyembre. Nanguna ang bansang Italya at pumangatlo naman ang USA.
Labingpitong mga bansa ang dumayo kabilang ang Italy, Philippines, USA, Argentina, Bahamas, Brazil, Canada. Costarica, South Africa, Egypt, England, France, Germany, Greece. India. Pakistan at Turkey. Sila ay naglaban-laban sa iba’t-ibang kategorya tulad ng Kata at Kumite: Children A (6-8 tyrs old), B (9 – 10 yrs old), C (11 to 12 yrs old), D (13 to 14 yrs old), Kata at Kumite Cadets, Team Kumite male/female, Team Kata male/female at Team mix Kumite.
May kabuuang 77 medalya ang natanggap ng 26 na manlalaro ng Black Squadron sa isang araw ng kumpetisyon. Sa katunayan, inuwi ng grupo ang 1st place sa Kumite Male at 1st place Kumite female categories.
“Ang laki ng pasasalamat namin kay Hanshi Alberto Precinsula na nagdala sa Philippine team sa World Cup. At congratulations sa lahat ng mga bata na malaki ang naging sakripisyo, pagod at hirap ng ensayo na umabot rin sa 4 na buwan”, kwento ni Dante.
“Sa totoo lang di po namin ito inaasahan kasi marami ang mga participating countries. Alam ko pong kahit papaano ay mag-uuwi kami ng medalya at trophy, pero di ko akalain na makukuha namin ang second place. Lahat ng mga bata at magulang ay nag-iyakan ng tawagin ang Philippines sa 2nd place Overall Champion”, dagdag pa ng Maestro.
Ang Black Squadron Combat ang Street Fighting Force ay itinatag noong 2014 at layunin nitong maturuan ang mga kabataan ng wastong disiplina at tamang paraan ng pagtatanggol sa sarili sa oras ng pangangailangan. Sa kasalukuyan ang palestra ng grupo ay matatagpuan sa Via Sant’Igino Papa, zona Battistini Roma.
Ang grupo ay labinlimang beses ng nag-Overall Champion sa iba’t ibang Interclub at International tournaments.