Nag-uwi ng maraming medalya ang Black Squadron sa Torneo Christmas. Ang Black Squadron ay kasalukuyang mayroong 45 estudyante, mga Italyano at mga Pilipino na pinamumunuan ni Maestro Alberto.
Roma, Enero 8, 2016 – Naghakot ng medalya ang tinanghal na Overall Champion, ang Black Squadron sa ginanap na Torneo Christmas IKA (Italia Karate Associazione) – CIKA Italy (Champions International Karate Association) – UsAcli (Unione Sportiva ACLI) sa Grottaminarda Avelino nitong Disyembre. Walong (8) gold medals (Megan Casanova, Tito Garcia, John Angelo Duenas, Ram Tominez, Jericho Garcia (2) at Angelo Buno (2); labingisang (11) silver medals (Rafael Bermudez, Eugene Cataquiz, Ram Tominez, Dhilan de Castro, Romelie Manuel, Kyle Largardo (2), Noa Leonor (2) at Hannah Mae Tominez (2); at pitong (7) bronze medals (Chiara Curpuz, Anthony Alegre, Daniel de Castro, Megan Casanova, Gemel Bermudez, Jp Malabanan at Lynon Catibog) ang inuwi ng grupo sa pagtatapos ng torneo.
Tinatayang 200 manlalaro, edad mula 5 hanggang 40 anyos ang naglaban-laban sa iba’t-ibang disiplina tulad ng kumite at kata na nagbuhat pa sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.
Ang Black Squadron Combat and Street Fighting Force ay mayroong 45 estudyante sa Roma; magkahalong mga Pilipino at Italyano, bata at matatanda. Ito ay itinatag ni Dante Atajar, 3rd degree blackbelt, sa Roma noong June 28, 2014. Layunin nito ang maturuan ang mga kabataan ng wastong displina at kung paano maipagtangol ang kanilang mga sarili sa oras ng pangangailangan.
Sa kagustuhan ng founder nito na si Angelito Rodrigues ay nakarating sa Roma ang pinakamatagal at pinakakilalang combat & street fighting force mula sa Batangas City at kasalukuyang pinamumunuan ni Alberto Caagbay.
Matatandaang noong Marso ng taong kasalukuyan, ay lumahok din ang Black Squadron sa isang malaking tournament sa Isernia kung saan isa sa mga estudyante ni Maestro Alberto ang nag-uwi ng medalya. Nag-overall champion naman noong Oktubre sa giannap na 2nd Aidam Inter Club tournament sa Roma.
Bukod dito ay ginanap rin ang 1st Black Squadron mini-tournament noong nakaraang Abril kung saan lumahok ang mahigit 40 estudyante nito. Bukod sa nakamit na parangal ng grupo ay nakapag-exhibition na rin ang mga kabataan ng Black Squadron sa iba’t ibang local community events tulad ng Guardians, Fiesta ng Taal, sa community sa Parrocchia di Sta. Maria delle Grazie, Batangas Varsitarian, Tuy Fiesta.
“Sa ngayon wala pa namang nasasabing malaking hadlang at kung nagkaroon man sa nakaraan, ito ay madaling nalulutas sa tulong na din ng mga magulang ng aking mga estudyante”, kwento ni Maestro Alberto.
Sa kabila ng nakamit na parangal ay hangarin ni Maestro Alberto ang magpatuloy sa kanilang kayunin. “Ang pagkakaroon ng mas malaking gym ang isa sa nais naming sa darating na taon dahil sa palaki ng palaki at parami ng parami ang mga nagnanais na matututo ng wasting disiplina”, ayon sa maestro.
“Nais rin naming magsagawa ng mas malaking torneo kung saan aming iimbitahan ang lahat ng mga pinoy karate club sa Roma at sa iba pang lugar sa Italia”, dagdag pa nito.
“Ang karate o ang lahat ng klase ng martial atrs ay napakahalaga. Ito ay isang bagay na kahit sa pag tanda natin ay ating madadala at maipamamana sa ating mga anak, hindi lamang para ipagtangol ang sarili pati na rin ang mabuo ang matibay na pagti tiwala sa sarili at disiplina na napakahalaga hindi lamang sa sport”, ang mensahe sa pagtatapos ni Maestro.
Ang sentro ng Black Squadron ay matatagpuan sa Via dei Licheni (zona Togliati), Roma kung saan nage-ensayo ang grupo mula Martes hanggang Linggo.
ni: PGA