Sa kabila ng lockdown sa Italya sa panahon ng Kapaskuhan, ay hindi napigilan ang adbokasiya ng I Paramedici Filippini. Halos 50 Pilipino ang tumugon sa ginawang blood donation.
“Ang aming adbokasiya ng Blood Donation ay nasa ika-18 beses na”. Ito ay ayon kay Founder-President ng I Paramedici Centro di Formazione di Emergenza Sanitaria Ospedaliere Filippini na si Dindo Malanyaon.
Ang naganap na blood donation ay ikalawang pagkakataon na sa panahon ng lockdown. Noong una ay noong nakaraang Mayo at ang ikalawa ay bago magtapos ang taong 2020.
Ang Blood Donation
Lubos ang pasasalamat ni Dott.ssa Donatella Pia D’Ambra, Associazione Donatori di Sangue, La Rete di Tutti Onlus. Aniya, malaki ang pasasalamat nya sa filipino community sa Roma dahil sa availability na ibinibigay nito sa tuwing may pangangailangan.
“Malaki ang pangangailangan ng mga pasyenteng may sakit na Thalassemia, partikular sa San Eugenio Hospital. Ito ay isang karamdaman sa dugo kung saan nangangailangan ng blood transfusion tuwing ikalawang linggo habang buhay. Dahil dito ay malaki ang pangangailangan sa dugo. Salamat sa adbokasiya ng Filipino Community at sa magandang hangarin nila palagi na makatulong”.
Para kay Letty T., nag-donate sya ng kanyang dugo para makatulong sa mga nangangailangang may sakit. Samantala, para kay donor Ronaldo R., ito ay para makasagip ng buhay.
Ang Blood Donation ay halos mga trainees na rin ng I Parmedici ang nagre-request. Bukod sa makakatulong na ay nakakatanggap din sila ng mga free medical check-ups tulad ng blood analysis, ECG, heart attack test at pati ang test sierologico COVID 19 o “antibody test”.
“Inaanyayahan ko kayo na maging isa sa aming mga trainees. Hindi lamang giginhawa ang inyong trabaho at buhay. Magkakaroon din kayo ng maayos na kalusugan”. ayon kay Dindo
Nakatanggap ng Sertipiko ang mga donors mula sa La Rete di Tutti. Nagbigay din ng plake ang organisasyon kay H.E. Ambassador Domingo Nolasco para sa kanyang kolaborasyon at promosyon ng blood donation.
Ang Video
Basahin din:
- Filipino Blood Donors of Milan, patuloy sa kanilang adbokasiya
- I Paramedici Protezione Civile Filippini, nagdiwang ng ika-7 taong anibersaryo
(Pia Gonzalez-Abucay)