in

Bologna Ilocano Warriors, Kampeon sa OFW Watch One-day Basketball League

Sa bawat koponan na nakilahok sa liga ng basketball, namalas ng manonood ang kanilang pagsisikap na maipanalo ang bawat laro. Nguni’t sa bandang huli, isa lamang talaga ang magiging kampeon.

Itinanghal na pangunahing koponan ang Bologna Ilocano Warriors, ikalawa ang Firenze, ikatlo ang grupo ng Milan  at ika-aapat ang koponan ng  Modena. Kabilang din sa mga koponan na lumahok ang nagmula sa Treviso/Padova  at  Bassano.

Dahil naman sa angking galing at mahusay na paglalaro, napiling Most Valuable Player si Rojemar Pis/oy ng Bologna Ilocano Warriors. Ang Mythical Five naman ay sina  Russel Jake Concepcion, Jhian Paolo, Eric Manalang, Daryl Ignacio at Jojo Rosales.        

Ang Best Coach ng ligang iyon ay si Mariano Tomas ng Bologna Team. Ang koponan na nakakuha ng Best in Uniform award ay ang koponan mula sa Milano. Di rin naman makokompleto ang isang palaro kung walang tatanghaling Best Muse at ito ay walang iba kundi si Bea Castillo mula sa koponan ng Bassano del Grappa.

Ang One Day League na ito ay isang proyekto ng OFW WATCH Italy upang mapalaganap ang sportsmanship at camaraderie sa mga Pilipino lalo na at ito ang paboritong laro ng mga kabataan, bagay na nakakatulong sa kanilang kalakasan at pag-iwas sa masasamang bisyo. Ang bagay na ito ang naging tema ng pagsasalita ng pangulo na si Rhoderick Ople at siya rin namang naging mithiin ng Sports Committee Chairman na si Toyet Vergara.

Ginanap ito sa Sferisterio Gymnasium sa via Irnerio sa Bologna, sa pakikipagtulungan ng Federation of Filipino Associations o FEDFAB kasama ang mga boluntaryo mula sa mga asosasyon ng Filipino Women’s League (FWL), Alyansa ng Lahing Bulakenyo  and Friends (ALAB), Guardians The Original at grupo ng Alpha Phi Omega , Bologna (APO). Nagsipaghandog din ng tulong ang maraming sponsors. Nagkaroon din ng pa-raffle kung saan tatlo sa mapapalad na manonood ang nabigyan ng premyo.

Malaking pasasalamat din sa mga kabataang bumubuo ng Bologna Basketball PlayGround na pinangungunahan ni Ivan Erick Bolus, na siyang komiteng tagapagpamahala sa palaro at sa mga reperi mula sa Firenze.

Tunay ngang ang isports ay isang paraan hindi lamang ng paglilibang kundi ang pagpapalawig ng pagkakaisa at mainam na samahan sa pagitan ng mga manlalaro, mga opisyal, mga asosasyon at mga manonood at taga-suporta.

 

     

  Dittz Centeno-De Jesus 

GYNDEE Photos

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

KNIGHTS OF RIZAL sa Modena, nagdiwang ng ika-7 Anibersaryo

Ang Colomba Pasquale