in

Budol-Budol, snatching, panloloko at iba pa, babala at pag-iingat para sa lahat

Sa sariling bansa natin, sa Pilipinas, laganap ang pambibiktima ng budol-budol gang o isang maliit na grupo ng mga gumagamit ng hipnotismo o panlilinlang upang makapagnakaw o makaagaw ng pera at mahahalagang gamit ng iba.

Kamakailan lamang, nitong ika-22 ng Hunyo, 2020, katanghaliang-tapat, sa lungsod ng Bologna, isang pensyonadang Pilipina, edad 74, ang nabiktima ng budol-budol ng isang babaeng di-matiyak ang nasyon. Diumano’y dadalaw itong matanda sa isang pamilya na kaniyang kaibigan upang doon mananghalian. Nasa tapat na siya ng bakod ng gusali nang kawayan siya ng babae na nasa kotse at kunwa’y may itatanong.

Lumapit siya dito at siya’y hinawakan sa kanyang braso at sinabing isama siya sa kaniyang bahay. Sa oras na iyon ay di na siya nakatanggi at sumakay siya sa kotse. Pagdating sa kanyang bahay ay naghalungkat na ang babae sa kanyang mga kabinet at hinahanap ang taguan ng kanyang pera at mga alahas. Ayon sa kuwento ng matanda ay naging sunud-sunuran siya sa babae at wala siyang nagawa upang pigilan ito sa pagkakalat ng kanyang mga gamit. Pagkalipas ng ilang minuto ay nagpaalam ito na lalabas lamang muna upang tingnan sa parking ang kanyang kotse. Naiwan siyang nakatayo, tulala at naghihintay. 

Bigla daw siyang natauhan at tumakbo palabas ng bahay upang tingnan kung saan nagpunta ang babae. Noon lamang niya natuklasan na siya pala ay napagnakawan na ng perang ipon nila ng kanyang anak na nagkakahalaga ng € 3000, relo at mga alahas.

Noon siya pinanawan ng lakas at ulirat kung kaya’t tinulungan siya ng mga kapitbahay na madala sa ospital at tuloy ay maireport na rin sa kapulisan ang nangyari.

Batay sa imbestigasyon, siya ay maaaring natiktikan na ng babaeng yaon, nalamang nag-iisa sa kanyang tirahan. Ganyan din ang nangyayari sa iba pang mga senior citizens na madalas mabiktima ng mga masasamang-loob na nagkukunwang mga ahente o kaya naman ay sinasabayan sa paglabas sa kanilang tahanan at naisasama sa ATM outlet upang makapaglabas ng pera.

Basahin din:

Sa kaugnay ding pangyayari ay ang snatching ng mga alahas o bag. Isang Pilipino din ang inabangan ng isang babae, inakbayan ito at sabay hablot sa kanyang kuwintas. Mabuti na lamang at mabilis ang aksyon ng Pinoy at kanyang napigilan ang kamay ng babae para mabitawan ang kuwintas. Agad umanong patakas na tumakbo ang babae.

Isa pang laganap na panloloko ay sa pamamagitan ng social media o sa text sa telepono. Ginagamit dito ang mga kilalang brand ng produkto o kaya ay negosyo upang ingganyahin ang tao na sumali sa isang contest , bumili ng kanilang produkto sa napakamurang halaga o sabihing nanalo na at kailangang magbigay ng kanilang detalye gaya ng pangalan, tirahan at numero ng ATM o credit card, upang kanilang makuha ang premyo.

Isang Pilipina ang nakumbinsi sa anunsyong ito at lingid sa kanyang kaalaman ay nakukuhanan na siya ng kanyang pera sa bangko, ng halagang 96 euro ng  ilang buwan na. Malinaw na isang paraan ng panloloko ito gamit ang advertising.

Ang mga pangyayaring ito ay laganap na sa bansang Italya. Ang pandurukot sa loob ng bus, ang panloloko ng mga nagpapakilalang ahente,  nakawan sa panahon ng pagbabakasyon ng mga may-ari ng bahay, at iba pa.

Magsilbi sanang paalala sa lahat ang ibayong pag-iingat at iwasan ang pakikipag-ugnayan sa mga di-kilalang tao. At kung may mangyari man ay ireport agad sa kapulisan at bigyan ng babala ang kapwa upang di na mangyari sa kanila. (Dittz Centeno-De Jesus)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Preventive measures laban Covid19, hanggang July 31, 2020

Serbia, Montenegro at Kosovo, may travel ban na din sa Italya