in

Camille Cabaltera, Tatak Pilipino sa Italian X-Factor 2017!

Sa edisyon ng X-Factor 2017, pinalad ang filipino community na magkaroon ng pambato sa ngalan ni Camille Cabaltera.

 

Montecatini Terme – Isang labing pitong taong gulang na Pilipina ang matagumpay na nakapasok sa Italian X-Factor 11th Edition ngayong taon. Hindi madali ang makapasok sa programang ito dahil sa maraming pagsubok na pagdadaanan at dahil na rin sa ilang libong kandidato na nagsumite ng kanilang aplikasyon para lamang maging parte ng sikat na talent show na ito. Alam ng lahat na iilan lamang ang nabibiyayaang ipakita sa telebisyon ang angking talento sa larangan ng pagkanta.

Sa edisyon ng X-Factor 2017, pinalad ang filipino community na magkaroon ng pambato sa ngalan ni Maria Camille Ann Cabaltera, o mas kilala sa tawag na Camille Cabaltera,  tubong  Rizal  na may hilig na talaga sa pagkanta  mula pa sa murang edad na 3 taong gulang.  

Ayon sa kanyang ina na si Mirasol Cabaltera, hindi pa marunong magbasa si Camille ay maririnig na siyang laging kumakanta  sa loob ng bahay at napakadali niyang kumabisa ng mga lyrics ng mga paborito niyang kanta. Upang lalong mahubog ang talento ng bata, nagpakita ng buong suporta ang pamilya at niregaluhan siya ng videoke ng kanyang mahal na ama upang malaya siyang makakanta ano mang oras nya gustuhin. 

Dumaan sa mabigat na pagsubok ang talentadong batang ito noong taong 2005 nang mawala ang kanyang mahal na ama, ang taong kanyang kinonsidera na numero unong tagahanga ng kanyang talento, kasama ng kanyang mahal na ina na si Mirasol, at mga kapatid na sina Kuya Mark at Ate Chloe. Gayunpaman, ang mapait na yugtong ito ng kanyang buhay ay hindi naging sagabal bagkus naging inspirasyon at puwersa upang kanyang ipagpatuloy at hubugin pa ang hilig sa pagkanta.

Taong 2008 ng dumating si Camille sa Italya kasama ang kanyang buong pamilya. Bukod sa mga maletang hila nya ay dala-dala niya sa kanyang puso ang pinakamamahal na musika. Isinali siya ng kanyang supportive na ina sa iba’t ibang contests, sa komunidad man ng mga Pilipino sa Italya o maging sa mga patimpalak ng mga Italyano. Umani agad ng tagumpay ang ginintuang boses na si Camille sa mga contests na kanyang sinalihan.

Ang kanyang husay sa pagawit ay nagkaroon ng kakambal na galing sa pagtugtog ng piano. Nagsimula ang mga unang hakbang nya sa pagtugtog nong dumating siya sa Italya. Ayon sa kanyang ina, hindi nagkaroon ng pormal na instruksyon sa pagtugtog ng piano si Camille nong siya’y bata pa. Dahil sa nakitaan nga ng talento sa pagtugtog ang bata, ipinasok sa piano classes si Camille ng siya ay tumuntong ng superiore. Hindi makapaniwala ang kanyang maestro sa piano na hindi siya nagkaroon ng pormal na paghahanda sa pagtugtog ng piano dahil magaan ang kanyang mga kamay sa pagtugtog.  

Ang hilig ni Camille noong una ay ang pagkanta ng mga modernong awitin at masaya siya sa kantahang “biritan”. Ngunit ng mapunta sya sa superiore ay sinubukan nya ang canto lirico. Dito niya pinaghusay ang pagkanta at pagtugtog at pinagsama ang canto lirico at moderno.  Maraming talentong angkin si Camille. Nagsusulat din sya ng mga kanta at lalong hilig niyang gayahin ang mga boses ng mga tanyag na mangaawit tulad nina Celine Dion, Mariah Carrey, at ang sariling atin na si Lani Misalucha.

Bago pa pumasok si Camille sa X-Factor 11 ay may iba’t-ibang paligsahan ng pagawit na siyang sinalihan. 

Taong 2010 ng manalo siya ng 3rd place sa “Battle of the Champions” katunggali ang 15 pinakamagagaling na pinoy singers sa bansang Italya. Title holder sa “2010  Vivere il Rosi” na ginanap sa Campi Bisenzio Firenze. Grand winner sa “Tuklas Film Production Search for Singing Star” na ginanap sa Firenze.  Noong  2012 naman siya ay nagpamalas ng talento sa “Prova a provare” ng TV Libera Pistioa at parehong taon ng mapabilang siya sa mga kalahok sa “Una canzone per te” sa Sky Channel.  Taong 2012 pa rin ng  mapanood si Camille sa sikat na tv show na  “Ti lascio una canzone” kung saan  nakaduet niya ang mga kilalang singers na sina  Annalisa Minetti, Anna Tatangelo, at Luca Barbarossa.

Yan ang iilan lamang sa mga tagumpay na nakamit ni Camille sa landas na kanyang tinahak patungo sa kanyang tagumpay sa ngayon. 

Naging laman si Camille ng iba’t-ibang pahayagan sa Italya o Pilipinas man dahil sa pagkakapasok nya sa ika-11 edisyon ng X-Factor sa Italya kung saan sa unang yugto ay nakamit nya ang 4 na “Sì” (apat na YES) ng mga hurado. Nakatanggap sya ng “standing ovation” matapos na magpamalas ng husay sa pagkanta at pagtugtog “Worth it” na sarili niyang komposisyon. Ang ekstra-ordinaryong rendisyon na ito ang nagbukas sa kanya ng pinto patungo sa “Bootcamp” kung saan siya napili ni Levante bilang kasapi ng kanyang team na binubuo ng limang kandidato. Sa kasalukuyan ay nasa parte na ng “Home Visit” ang talentandong pinay na mangaawit ng Montecatini Terme. 

Inaasahan ng sambayanang Pilipino na malalampasan ito ni Camille para umabot sa “Live”, ang huling yugto ng pinakaaabangang Italian Talent Show. 

 

ni: Quintin Kentz Cavite Jr.

 

Basahin rin:

Camille Ann Cabaltera, ang Talentadong Pinoy sa Firenze

Camille Cabaltera, pinahanga ang lahat sa unang gabi ng X Factor 11

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Aninong di mapag-imbot

Bonus Cultura para sa lahat ng ipinanganak ng 1999