in

Cardinal TAGLE, nagmisa sa Duomo di Milano

Milan, Pebrero 28, 2014 –  Mahigit 20 libong mga Pilipino, hindi lamang buhat sa Milan kundi maging sa mga karatig lugar nito ang dumagsa sa pangunahin katedral sa Milan, ang Duomo noong February 23, 2014 upang pakinggan ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng Arsobispo ng Maynila na si Cardinal Luis Antonio Tagle. 
 
Bago simulan ang misa ay pumarada ang ilang representatives ng mga Filipino communities sa Milano kasama rin si Milan Consul General Ma. Lourdes Tabamo. Sinundan ng pangawalang grupo na pinangunahan ni Father Quadri kasama ang ilang paring Pilipino at Italyano. 

 
Ayon kay Mr. Efren Montilla, miyembro ng advisory board at overall coordinator ng Filipino Catholic Community of Milan (FCCM) ay mahigit kumulang sa 10 libong deboto ang pinagkasya sa 500 sitting capacity ng Duomo kung kaya’t daan daan sa dumalo ay nanatiling nakatayo lamang upang makita at marinig ang misa ng Kardinal sa unang pagkakataon. 
 
Hindi rin malaglagang karayom sa labas ng simbahan dahil sa libu-libong mga mananampalataya kung kaya’t isang malaking monitor ang inilagay sa labas ng upang masubaybayan ang mga pangyayari sa loob ng sagradong lugar. 
 
Pinasalamatan ni Cardinal Tagle sa unang bahagi ng misa ang imbitasyon ni Cardinal Angelo Scola, Arsobispo ng Milan na layuning basbasahan ang mga migrateng Pilipino sa Milan at alamin ang kanilang mga situwasyon. Gayun din ang tipunin ang mga pilipinong pari na kinabibilangan nina Father Emil Santos, Father Enrico Crisostomo, Father Rudy Maramba at Father Joselin San Jose sa pamamagitan ng isang forum.
 

Pagkatapos nang pagpapahayag ng banal na salita ay nagbigay din siya ng pangaral sa mga mananampalataya tungkol sa kahalagahan ng pagkakaisa ng bawat isa at ang halaga ng pag-gabay ng mga magulang sa kanilang mga anak. 
 
Sa huling bahagi ng misa ay binigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino upang makadaupang-palad at mag-mano sa Cardinal. 
 
Sa labas ng simbahan ay binasbasan din niya ang libu-libong mga Pilipino na naghihintay sa kanya. 
 
“Isang karangalan ang pagbisita ng ating Cardinal dito sa Milan at marinig ang kanyang misa”, ayon sa mga dumalo. 
“Ako po ay ka-apleyido ni Cardinal!” ayon pa sa isang dumalo at ipinagmamalaki ang pagiging kaapelyido nito kaya diumano nagtungo sa Duomo upang hingin ang basbas ng Kardinal.  
ni: Chet de Castro Valencia
 
 
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

QUEVEDO, BAGONG APPOINTED NA CARDINAL NI PAPA FRANCESCO PARA SA PILIPINAS

Cardinal Quevedo, nagmisa sa Filipino community