Carlotta Flores Del Rosario, isang kabataang Pilipina ang kasalukuyang umaani ng kabi-kabilang tagumpay sa larangan ng kompetisyon ng kagandahan at pagrampa sa Bologna.
Ang mga Pilipina ay lubos nang kinikilala at hinahangaan sa buong mundo dahil sa taglay nilang simpleng kagandahan at angking talento sa anumang larangan gaya ng pag-awit, pagsayaw, sa pag-arte at iba pang kasanayan. Marami na rin sa kanila ang nagbigay ng karangalan sa bansang Pilipinas sa mga kompetisyon ng kagandahan at pagmomodelo, Gaya na lamang ni Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach na hinangaan ng lahat sa pagiging artikulado at may taglay na kumpiyansa sa sarili, bagay na pinatingkad ng mga salitang binanggit niya na “confidently beautiful”.
Sa Bologna, may isa ring kabataang Pilipina ang kasalukuyang umaani ng kabi-kabilang tagumpay sa larangan ng kompetisyon ng kagandahan at pagrampa, si Carlotta Flores Del Rosario.
Si Alot, tawag sa kanya ng mga kaanak at kaibigan, ay may edad na dalawampu, isinilang noong ika-9 ng Diyembre, 1996, sa Bologna. Ang kanyang mga magulang ay sina Carlito Del Rosario na tubong Pangasinan at Josephine Flores ng Quezon Province.
Nagtapos siya ng Corso Moda sa Istituto Professionale Statale – Aldrovandi Rubbiani noong Hulyo taong 2016. Bata pa lamang siya ay pangarap na niya ang mundo ng “Fashion” at maging isang full-pledged na modela. At hindi nga malayong di matupad dahil sa mga sunud-sunod niyang tinatamong tagumpay sa mga kompetisyong sinasalihan.
Nakamit ng dalaga ang titulong Miss Small World 2017, ang kanyang pinakahuling tagumpay, noong nakaraang ika-17 ng Hulyo na ginanap sa Milano, kung saan ay 17 na mga kabataang babae mula sa iba’t ibang nasyon ang sumali. Kabilang dito ang mga kandidatang mula sa Mauritius, Romania, El Salvador, Peru, Italia, Ecuador, Morocco, Brazil at iba pa. Nasungkit din niya ang award na Best in National Costume dahil sa kakaibang Filipiniana gown na likha ni Neri Pamittan ng Torino. Nakamtan niya ang mga premyong korona, Fashion Course at mga seminars at may isang taong kontrata sa Miss Small World kung saan siya ang kakatawan sa mga aktibidad na may kaugnayan dito.
Bukod sa nabanggit, noong 2016 ay nakamit niya ang titulong Best Model in Europe na ginanap sa Barcelona Spain. Nakuha din niya ang award na Miss Elegant sa nasabing kumpetisyon.
Nitong June 2017 naman ay nakuha ang first runner-up sa ginanap na Miss Bachelorette sa Milano nitong Hunyo bukod pa sa mga nakuhang award gaya ng Best in Filipiniana, Miss Body Beautiful at Miss Photogenic.
Sa Miss LBC Model Europe contest naman ay tinanghal siyang 2nd runner -up at nakuha rin ang mga award na Best in Catwalk at Best in Lingerie Couture. Ito man ay ginanap din sa Milano noong ika-9 ng Hulyo, 2017.
Para sa kaalaman ng lahat, hindi lamang ang pagmomodelo ang taglay niyang talento at kasanayan. Mahusay din siyang sumayaw at magdisenyo, bukod pa sa hilig niya sa photography.
Gaya ng sabi nga niya, ang pagkakaroon ng mga magulang na naka-suporta lagi sa anak ay isa sa mga susi sa ikapagtatagumpay nito sa napiling larangan.
Ang payo naman niya sa mga kabataang tulad niya na narito sa Italya, “Follow your dreams, trust in yourself. Whatever you want to do with your life, with your dreams…do it. If you can dream it, you can do it”.
Iyan si Carlota, ang modelang Pilipina mula sa Bologna.
ni: DITTZ CENTENO-DE JESUS
Filippine -Bologna News
OFW Watch News and Stories
larawan: Gyndee’s Photos
Miss Small World File Photos