Carnevale Ambrosiano, tinawag nang Carnevale dei Popoli, pagdiriwang ginanap sa magkakaibang plaza sa Milan.
MILAN, Italy. Musika, confetti, maskara at lubos na saya, dagdag pa ang magandang sikat ng araw at katamtamang temperatura.
Ganito ipinagdiwang ang makulay na carnival ngayong taon dito sa Milan.
Dumagsa ang libu-libong Milanesi, mga turista at mga migrante’ng naninirahan dito sa siyudad para sa pagdiriwang ng Carnivale Ambrosiano na ngayong taon ay tinatawag nang Carnevale dei Popoli.
Sa limang magkakaibang plaza ipinagdiwang ang makulay, maingay at masayang pagdiriwang.
Ang Piazza San Fedele ang naging sentro ng selebrasyon ng mga batang maliliit.
Humalimuyak naman sa bango ng mga oriental scents ang Piazza Beccaria habang ang Piazza Cairoli ay buhay na buhay sa ingay at saya ng African dances.
Sa Piazza Affari, matatagpuan ang mga acrobatic show at ang Piazza Santo Stefano ay pina-ingay naman ng mga nag se seksihang Latin- American dancers.
Ang okasyon ayon sa ilang mga Pinoy ay isang magandang pagkakataon para sa family bonding.
Para naman sa iba,.. ito raw ay pampa-alis ng stress.
Kaya naman, sinisiguro daw nila na makabas at makisaya sa mga kamag-anak at mga kaibigan.
Sinabi ni Cassandra Borlongan, isang OFW dito sa Milan na “hindi lang para sa mga bata kundi para sa lahat ng edad ang pagdiriwang ng carnevale.
Katwiran naman ni Isabel Lucianao, na isa ring paraan para mawala ang stress ng limang araw na walang-patid na trabaho ang paglahok sa carnevale fiesta.
At syempre para sa mga batang paslit,..ang carnival ay malinaw na paglalaro at saya lamang. (ni: Zita Baron at larawan ni: Ruel de Lunas)