in

Catryell, kasamang pinarangalan sa Campidoglio dahil sa husay sa chess

Catryell Garcia Dolor, kasamang pinarangalan sa Campidoglio matapos maging kampeon sa National Chess Competition sa Andria, Puglia.

 

Roma, Enero 31, 2017 – Nitong kalahatian ng Enero ay kasamang pinarangalan sa Campidoglio si Catryell Garcia Dolor, 12 anyos at isang Pilipino, kasama ang iba pang anim mula sa kanyang grupo, under 12 category, matapos maging kampeon sa ginanap na Scacchi Campioni d’Italia o National Chess Competition noong nakaraang Nobyembre sa Andria, Puglia. 

Si Catryell ay ang team captain ng A.S.D. Ostia Scacchi Società under 12 at naging bahagi sa pagbibigay ng karangalan sa lungsod ng Roma sa sektor ng chess. 

Bukod sa pagiging champino sa kategorya ng under 12 ay iniuwi rin ng A.S.D. Ostia Scacchi ang titolo bilang kampeon sa kategoryang under 16. 

Ang karangalang hatid ng mga kabataan ay hindi pinalampas ng Comune di Roma, partikular ni Daniele Frongia ang Assessor sa Sports at Youth Welfare, na kasama ang presidente ng ASD Ostia Scacchi, si Fabio Palozza, Direttore Tecnico na si Francesco Nassetti, mga magulang at mga manlalaro, ay kinilala ang husay at galing sa chess at binigyang parangal ang mga ito sa Campidoglio.

Sa katunayan ay naglaro rin ang Assessor at ilang Konsehal at kinalaban ang mga kabataan sa chess bilang tanda ng kanilang suporta at promosyon sa nabanggit na laro. Narito ang video. 

 

Catryell Garcia Dolor autore di un fantastico miracolo in una importantissima partita“, tulad ng mababasa sa post ng OstiaScacchi sa social media.

Si Catryell Garcia Dolor ay ang nag-iisang anak nina Marciana at Clemente Dolor, parehong tubong Mabini Batangas. 

Grade 2 si Catryell noong simulang pumasok sa extra-curricular activity at chess ang nahiligan niya”, ayon kay Clemente. “Marahil po ay mana sa akin dahil noong ako’y bata pa ay inilalaban ako ng tatay ko ng dama sa matatanda, hindi pa kasi uso ang chess noon”, masayang kwento ng ama ni Catryell. 

Noong una, ayon sa mga magulang ng batang manlalaro, marahil ay natutuwa lamang si Catryell sa mga hugis ng chess ngunit ang kanyang hilig umano maglaro ng lego hanggang thousand pieces ang marahil nakatulong humubog sa mga diskrate nito. 

Nasa ika-apat na grado sa elementarya nang simulang lumahok si Catryell sa mga kumpetisyon bilang kinatawan ng kanilang paaralan, ang Leonardo da Vinci school sa Roma. Nagsimula sa Provincial, Regional hanggang makarating na sa National competition. 

Noon pong sa National Competition sa Palermo noong 2014, 27 teams ang naglaban-laban mula sa buong Italya. Salamat sa tulong ng sponsor ay nakasali si Catryell sa grupo at sila ang naging champion”, kwento pa ni Clemente.   

Lumahok na rin si Catryell sa UISP o Unione Italiana Sport per Tutti noong 2015 sa Pomezia sa Regional Individual Competition kung saan umuwing kampeon. Dahil sa karangalang ito ay naging bahagi ng Campionato Italiano Giovanile sa Sardegna noong July 2016. Ito ay individual competition kung saan 142 ang mga players na naglaban-laban. Bagaman umabot sa ika-20 posisyon si Catryell ay hindi sya sumuko bagkus ay patuloy na nagsusumikap maging mahusay na manlalaro. 

May isa pong game na halos natatalo na siya talaga pong umiiyak na siya, sabi nga po ng coach, dahil parang naawa na sa bata, itabla mo na but di po sumuko ang anak ko, sabi niya ilalaban daw po niya. Iyun nakasurvive po at sabi nga po ng ilang mga parents: salva la squadra”.

At ang huling sinalihan ni Catryell ay ang National Chess Competition sa Puglia kung saan umuwi, kasama ang mga ka-grupo sa category under 12 na dala-dala ang tropeo at mga medalya na nagbigay karangalan hindi lamang sa kanilang paaralan, pamilya at mga magulang, bagkus pati sa lungsod na Roma kung saan ang isang Pilipinong tulad nya ay bahagi ng komunidad, ng pag-unlad nito at inaasahang magbibigay ng magandang bukas sa lungsod na ito.   

 

PGA

 

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Colf, caregivers at babysitters, narito ang halaga ng kontribusyon ngayong 2017

FASCURAI, itinatag sa South Italy