in

Celeste Cortesi, ang bagong Miss Universe Philippines

Bagong korona ang ipinutong kay SILVIA CELESTE CORTESI, ang Pilipina-Italyana na nagmula sa Parma, Italya at anak nila MARIA LUISA RABIMBI at ng yumaong kabiyak nito na si  SERGIO CORTESI. Siya ang itinanghal na MISS UNIVERSE PHILIPPINES sa idinaos na timpalak-kagandahan nitong ika-30 ng Abril, 2022 sa Maynila.

Miss EARTH

Matatandaang siya din ang itinanghal na Miss EARTH PHILIPPINES 2018 matapos manalo sa lokal na kompetisyon ng Miss EARTH ITALY na ginanap sa Roma. Sa internasyonal namang kompetisyon ng MISS EARTH ay pumasok siya bilang ika-walong puwesto.

Matapos ang apat na taong paghahanda upang makapasok sa kompetisyon ng Miss Universe Philippines, ang 24-taong gulang na dalaga ay napagtagumpayan ang matagal na niyang minimithi. 

Nagkaroon na rin siya ng karanasan sa mga timpalak-kagandahan sa Italya, gaya ng Ragazza Cinema noong 2015 na siya ang napili. Ang isa pa ay ang BALIK SA BASIK Lakan at Lakambini ng Kulturang Pilipino 2017 na ginanap sa Bologna. Ito ay isang pang-kultural na kompetisyon na konsepto ni LAARNI SILVA at itinampok ang mga likhang damit ni RENEE SALUD. Ang programa ay itinaguyod ng FILIPINO WOMEN’S LEAGUE.

Sa nakaraang kompetisyon ng Miss Universe Philippines, ay nakopo din niya ang Best in Swimsuit at Miss Photogenic. Si Michelle Dee naman ang itinanghal na Miss Philippines Tourism,  si Pauline Amelinckx naman ang Miss Philippines Charity at sina Annabelle McDonnell at Ma. Katrina Llegado ang first at second runner-up.

Ang kanyang ina na si Maria Luisa Rabimbi naman ang laging laman ng kanyang mga pahayag, maging sa sagot niya sa pinal na katanungan  ay pinahalagahan pa rin niya ang kanyang ina at pamilya.  Nagpahayag ang kanyang ina ng sobrang kaligayahan sa kanyang pagkapanalo bagama’t hindi ito nakauwi sa Pilipinas upang makasama niya.  At dalangin ngayon ni Maria Luisa na sana nga daw ay masungkit naman ni Celeste ang korona ng Miss Universe. Nagpapasalamat din siya sa mga sumusuporta sa kanyang anak mula pa noong ito ay nagsisimula. Plano nila na makapunta sa paggaganapan ng Miss Universe sa taong ito. Isa sa kanyang matalik na kaibigan ay si DAISY DEL VALLE, na tinagurian nilang fairy godmother ni Celeste, at nagsabing tunay ngang para dito ang korona, dahil sa bukod sa taglay na kagandahan ay may malaking puso rin para sa iba. 

Ang nais tutukang adbokasiya ni Celeste ay ukol sa mga Indigenous People na naagawan ng kanilang mga lupang minana dahil sa modernisasyon o pagkamkam ng iba. Nais daw niyang higit na mabigyang-pansin ang kasalukuyang sitwasyon ng mga katutubo pati na rin ang mayamang kulturang minana ng mga ito. Aniya pa, ang pagiging isang beauty queen ay makapagdadala din ng mga plataporma para iangat ang buhay ng ibang tao, makaimpluwensiya at makapagbigay ng inspirasyon sa lahat.

Tunay ngang ang mga pangarap ay may kaakibat na pagsisikap at determinasyon upang tuluyan itong makamit at matupad. Sa katayuan ni Celeste na buo ang loob at handa na matutuhan ang lahat ng bagay upang maging mahusay na kinatawan ng Pilipinas sa isang prestihiyosong kompetisyon, palagi kami na nakasuporta sa iyong mga pangarap para sa sarili, sa pamilya at sa bayan.

Mabuhay ka, CELESTE!

Ulat ni: Dittz Centeno De Jesus

Mga Kuha: Miss Philippines-Universe 2022, Miss EARTH Philippines, Balik Sa Basik 2017

Basahin din:

Click to rate this post!
[Total: 2 Average: 4]

Bagong bonus na € 200,00 – paano mag-aplay at kailan matatanggap?

Pagsusuot ng mask sa workplace, mandatory pa ba sa Italya?