Caserta, Abril 29, 2013 – Pinangunahan ng grupo ng mga kababaihan ang Medical Mission o libreng pagpapatingin ng dugo na ginanap noong ika-7 ng abril 2013 sa Via Roma, Caserta. Nagsimula ang nasabing medical mission bandang alas 8:00 ng umaga at dahil sa hindi inaasahan na marami ang darating at nagpatingin ay umabot ang check-up ng hanggang alas 12:00 ng tanghali.
Ang Grupo ng mga Kababaihan o Caserta Filipina Group (CFG) ay pinangungunahan ng mga opisyales na sina Melanie Grajo- President, Luz Estabillo- Vice President, Emeelyn Jawod-secretary, Grechen Murillo- treasurer, at Chiara Aycardo-Auditor. Nakasama rin ng grupo ang mga italyanong duktor mula sa San Giuseppe Moscati-Avellino – Azienda Ospedaliera Di Rilievo Nazionale di Alta Specializzazione. Nakiisa at nagbolontaryo rin buhat sa Guardian Napoli Chapter si Shirely Quintos Jaraba at buhat naman sa AimGlobal Napoli Leaders, si Bernardo "Juohn" Vallescin na tumulong at naging daan upang maisagawa ang Medical Mission sa probinsiya ng Caserta.
Matapos ang makabuluhang tagumpay ng naganap na Medical Mission ay nakatakdang magsagawa rin ng dental check up, cardio at marami pang iba sa nasabing probinsiya. (ni: Brigette Murillo)