“We walk, so they can stand!” – INC worldwide
Rome, Pebrero 19, 2014 – Kasabay ng magandang panahon noong nakaraang Sabado ng umaga ay matagumpay na ginanap ang Worldwide Walk sa Roma ng
Iglesia ni Cristo. Umabot sa 1,800 ang kabuuang bilang ng mga lumahok kasama ang mga taga-Firenze at Napoli.
“We walk, so they can stand!”, ito ang tema ng 1.6 kilometers fund-raising walk na sinimulan mula sa Colosseo hanggang sa Circo Massimo. Layunin nito na sa pamamagitan ng 25 euros kontribusyon ng bawat dumalo ay muling makabangon ang mga biktima ng super typhoon Yolanda sa Pilipinas.
Sa pamamagitan ng opisyal na bilang ng mga wristbands na isinuot ng mga dumalo ay naging bahagi ang Rome sa kabuuang bilang worldwide, kung saan nagtala ang INC sa Guinness record bilang largest charity walk for 24 hrs in multiple sites. Tinatayang umabot sa kabuuang bilang ng 519,000 ang mga partesipante.
Sa katunayan, ayon sa isang opisyal ng INC sa isang press briefing, “Ginanap ang worldwide walk noong nakaraang Feb 15 sa 29 countries, 135 sites at 13 different time zones in the whole globe. Ito ay nangangahulugan na sa loob ng 24 oras, may Iglesia na naglalakad sa buong mundo ng walang patid”.
Maging sa Milan ay ginawa rin ang Worldwide walk. Sinimulan sa Piazza del Castello kung saan umabot sa 2,000 ang bilang ng mga dumalo. Nakiisa rin sa charity walk ang mga miyembro ng INC buhat sa mga karatig lalawigan.
Matatandaang nagtala rin ang INC bilang largest charity walk in a single venue. Para ito sa Maynila kung saan mahigit sa 170,000 ang lumahok sa 1.6 kilometers charity walk mula CCP Complex hanggang sa Luneta. (ulat ni: PG – larawan ni: Boyet Abucay)