‘Service through Strong Brotherhood’, ang pangunahing layunin sa naganap na chartering ng Rome Italy Eagles Club & The Rome Italy Lady Eagles Club.
Ginanap noong nakaraang January 21, 2018 ang chartering ng Rome Italy Eagles Club & The Rome Italy Lady Eagles Club.
Bagaman naantala ang opisyal na pagtatalaga sa bagong Club ng The Fraternal Order of Eagles (Philippine Eagles) na layuning higit na palawakin ang organisasyon ay matagumpay na pinangunahan ang nasabing semonya ng dalawang past National Presidents na sina Samuel D. Lim at Miguel V. Piso, sa ilalim ng pahintulot ni National President Eagle Erlquin C. Lim.
‘Service through Strong Brotherhood’, ito ang pangunahing layuning at prinsipyong inakap ng mga opisyales at miyembro ng unang Charter Club sa Europa na dumaan bukod sa maraming balakid ay dumaan rin sa masusing pagsusuri.
“Sa katunayan, mayroong basehan sa pagtanggap ng mga bagong kasapi. Mayroon kaming sinusunod na 5 Is na tinatawag: Interview, Introduction, Incubation, Initiation at Induction”, kumpirma ni Pres. Miguel Piso.
Bukod dito, personal na isinumite ni EVP Vic Magsino sa ginanap na 36th National Congress sa Cebu noong nakaraang taon ang proposal ng pagtatalaga ng Philippine Eagles sa Roma na sinangayunan at sinuportahan naman ng mga dating naging pangulo.
Kaugnay nito, nangako naman ng matibay na suporta at tunay na kapatiran ang mga opisyales at miyembro ng Lady Eagles na dumaan din sa parehong proseso ng mga Eagles.
Matatandaang bago pa man maganap ang chartering ay nagkaroon na ng ilang proyekto ang organisasyon. Ito ay ang fund raising para sa Marawi kung saan nakasama rin sa proyekto ang ilang miyembro ng filcom at mga local business sa Roma.
Ang bagong halal na presidente, Rudy Narte ay dating miyembro ng General Santos Eagle Club 1985 bilang Junior Eagle at naging ganap na full blooded Eagle noong 1991 sa ilalim ng dating national president na si Miguel Piso.
Kasama sa layunin ng bagong talagang organisasyon ang pagpapanatili ng kulturang Pilipino at patuloy na pagmamahal sa bansang sinilangan, partikular nais ng organisasyon ang magkaroon ng calamity fund na maitutulong sa Pilipinas sa panahon ng kalamidad.
“I would like to take this opportunity to express my appreciation and thanks to all our kuya and ate who firmly believe that the creation of this club is a beginning of an era of Eagleism in this part of the world”, ayon pa kay Piso.
Mula sa pagtatalaga sa Rome Club ay magpapatuloy ang Eagleism o ang patuloy na pamamayagpag ng kanyang mga pakpak upang higit na mapalawak at maibahagi ang mensahe ng ‘strong brotherhood‘ sa Italya at buong Europa.
The Fraternal Order of Eagles ay itinatag noong June 1979 sa Quezon City kung saan matatagpuan ang seat ng organisasyon. Ito ay ang first Philippine born fraternal socio-civic organisasyon sa Pilipinas.
PGA