Nagtapos sa Pilipinas. Nag-trabaho sa barko at sa mga restaurants bilang chef. At ngayon ay nagmamay-ari ng 3 Japanese restaurants sa Italya.
Pescara, Enero 4, 2016 – Tubong Paete Laguna at tapos ng Hotel and Restaurant Management sa Pilipinas ay maituturing na isa sa pinakamatagumpay na Pilipino sa Italya ang 39 anyos na si Chef Nestor, ang nagmamay-ari ng tatlong (3) sushi bar at Japanese restaurants sa Italya kung saan kasamang nagta-trabaho ang kanyang maybahay, ang 17 anyos na anak at ang ilang kamag-anak.
“Ako ay nagtapos sa Pilipinas ngunit ang aking kaalaman ay nagbuhat sa mga karanasan ko sa maraming restaurants hindi lamang upang kumita ng malaking halaga ngunit lalong higit upang ako ay matuto ng mga techniques at pamamaraan sa pagluluto”.
Nagtrabaho sa barko ng limang (5) taon bilang chef. At matapos makilala sa Thailand ang kilalang may-ari ng Di Cecco pasta italiana ay kinuha nito si Nestor noong 2003 bilang chef sa Cafe Les Pailotes, isang 1 star Michellin restaurant sa Pescara, kasama si Chef Heinz Beck, isang 3-star chef sa Roma kung saan nag-trabaho ng siyam (9) na taon.
Ayon kay chef Nestor, ay kailangan umanong mahalin ng bawat chef ang lahat ng kanilang niluluto. At bilang chef ang mga pangunahing ingredients ay ang pagmamahal at emosyon bilang pinakamahalagang sangkap dahil ito umano ay mananamnam sa lasa at makikita din sa presentasyon ng niluto.
Taong 2013 ng Mayo ay binuksan ang unang Chef Nestor Restaurant sa Pescara. Sinundan ito ng pagbubukas ng ikalawang restaurant noong Disyembre 2014 sa parehong lugar at ang ikatlong Chef Nestor restaurant ay binuksan naman noong Setyembre taong 2015 sa Chieti. Lahat ay pawang mga high class Sushi bar at Japanese restaurants.
“Sa kasalukuyan, ay mayroon akong 32 staffs kung saan 12 sa kanila ay mga Italians. Talagang maganda ang takbo ng mga ito at dinudumog ng mga kliyente. Hindi ko na kailangang sabihin ang bilang ng aming mga guest gabi-gabi, sapat na sigurong sabihin na sa loob ng tatlong magkakasunod na taon ay tatlong restaurants ang aking binuksan upang patunayan ang pagtangkilik ng marami sa mga Nestor restaurants”, masayang kwento ni Chef Nestor sa Ako ay Pilipino.
Bukod sa sariling tagumpay ay nakakapag-bigay rin ng oportunidad si Chef Nestor sa maraming kababayan. Sa katunayan ay priyoridad niya ang mga kapwa Pinoy ngunit dahil mahalaga rin sa kanya ang integrasyon ng mga Pilipino at Italyano kung kaya’t mayroon ding mga Italians na nagta-trabaho sa kanyang mga restaurants. Bagaman ang mga chef sa loob ng kusina ay pawang mga Pilipino lahat ay mayroong isang Italian pastry chef.
“Mahalagang Italians ang nag-aaproach sa mga Italian guests sa kanilang sariling wika”, dagdag pa niya.
Ngunit sa kabila ng tagumpay sa Italya ay pinag-iisipan umano ni Chef Nestor ang pagbubukas ng parehong restaurant sa Pilipinas.
“Magaling rin ang aking maybahay magluto ngunit sa ngayon ay nais ko munang mag-concentrate ng business dito sa Italya”, dagdag pa ni Chef Nestor.
Filipino Restaurant sa Italya?
“Bakit hindi, in the near future siguro. Alam naman natin na masarap ang filipino food but the thing is, ang Pinoy food is not easy to serve in a fine dining restaurant at in à la carte way, hindi kasi siya pwede na i-serve na pang single plate. Mostly kasi sa food natin ay kailangan ng kanin. Ang mga filipino restaurant madalas ay pang buffet at ginagawa rin namin iyon sa aming restaurants pag may mga festa, like New Year’s eve. Binuksan ko ang isang restaurant sa mga Pinoy at nag-filipino and japanese buffet ako at super na enjoy nila ung food”
“Manalangin upang gabayan ng Panginoon. Huwag matakot makipagsapalaran dahil isang dayuhan sa Italya. Ang kulay lamang ng balat ang ating ipinag-iba ngunit lahat ng tao ay nagsusumikap upang maabot ang kani-kanilang mga pangarap. Manatiling determindao. Gawin ang inyong mga pangarap bilang inspirasyon sa araw-araw. Walang imposible sa mundong ito, anuman ang iyong nasyinalidad at anuman ang katayuan sa buhay ay maaaring maging matagumpay na nilalang”, mga payong iniwan sa pagtatapos ni chef Nestor.
Bukod sa pagiging kilalang chef ay aktibo rin sa komunidad si Nestor. Sa katunayan ay kasalukuyang Vice President ng Unione Filippini Abruzzesi o UFA, isang Servant Leader ng Couples for Christ – Pescara at aktibong miyembro rin ng Guardians.
Chef Nestor Sushi bar and Japanese Restaurant 1, 2 & 3
Quality, elegance at experience ang ipinagmamalaking formula na mga Nestor Restaurants. At higit sa lahat ang mapapanood na karagdagang cooking show sa paghahanda ng Teppanyaki na angkop sa lahat ng budget ng mga guest dahil sa formula ng economy, lounge at business.
Ang menu sa tanghalian at hapunan sa anumang Nestor restaurant ay nagbibigay ng maraming pagpipilan tulad ng Teppanyaki, kombinasyon ng sushi at sashimi, Futo Maki, Temaki, Ura Maki, Tartare, at Ura maki at sasamahan pa ito ng pinaka masasarap na wine.
Samantala, sa agahan naman ay pure Italian breakfast ang malalanghap sa mga Nestor restaurants mula sa maraming uri ng café at cappuccino bukod pa sa masasarap na sweets na niluto mismo sa kusina ng mga restaurants.
Sa loob ng eleganteng lugar partikular ang mga sofas, bintana at show cooking area na kulay blu, bukod pa sa kaakit-akit na presentasyon ng mga menu at higit sa lahat ang kagandahang-loob ng mga tauhan ay ang binabalik-balikan ng mga panauhin Pilipino man o hindi, hindi lamang sa Pescara, ngunit pati na rin sa Chieti.
ulat nina Stefano Romano at Pia Gonzalez-Abucay
larawan ni: Stefano Romano at Chef Nestor FB page