Sa loob ng 34 taon ng pagsusulong sa Comunità Filippina di Napoli, nabuo nito ang pinakamalawak at pinakamalalim na pagkakaisa ng mga mamamayang migranteng Pilipino na naninirahan sa Napoli.
Napoli – Ipinagdiwang ng Comunità Filippina di Napoli ang kanilang ika-34 anibersaryo ng pagkakatatag noong Oktubre 30, 2011, sa Auditorium Curia Arcivescovile Napoli na matatagpuan sa mismong sentro ng siyudad. Sa ilalim ng temang “You Light Up My Life,” ginunita ng mga Pilipinong naninirahan sa Napoli ang pagkakaroon nila ng isang komunidad na tumagal at nanatiling matatag sa loob ng mahigit na tatlong dekada hanggang sa kasalukuyan. Naging panauhing pangdangal ang ating bagong Ambasador sa Italya, H. E. Ambassador Virgilio A. Reyes, Jr, kasama ang kanyang maybahay, Mrs. Maria Felisa L. Reyes. Ang Napoli ay ika-apat na siyudad na nabisita ni Ambasador Reyes sa loob ng isang buwan niyang panunungkulan bilang Ambasador ng Pilipinas sa Italya. Sa kanyang maikling pahayag, kanyang binigyan ng diin lalo na sa mga kabataang naroroon na sila ay pinapunta ng kanilang mga magulang sa Italya para mabigyan sila ng magandang kinabukasan. ”You are growing up in a country rich in culture and history, while naturally processing all that is unique and beautiful in a Filipino. Appreciate these circumstances and be the best that you ought to be. In your journey, I hope that you never forget the Philippines. It is your country as much as it is your parents.”dagdag pa ng Ambasador.
Ang nasabing selebrasyon ay dinaluhan din ng mga Pilipinong kumakatawan sa iba’t-ibang komunidad na malapit sa Napoli: FILCOM of Reggio Calabria, FWAC Cosenza at FILCOM of Salerno. Nagkaroon din ng partisipasyon ang FIL-AM Association of Naples sa nasabing selebrasyon. Naging bahagi din sa okayon ang ibat-ibang affiliated religious groups na matatagpuan sa Napoli: Iglesia Ni Cristo, Assemblee di Dio Missione Evangelica Filippina, Jesus Is Lord (JIL) Napoli, Tabernacle of Praise Christian Fellowship at International Assemblies of the First Born. Hindi naiwasang magbalik-tanaw, lalo na ang mga Pilipinong matagal ng naninirahan sa Napoli nang ipalabas ang isang slide presentation na tumalakay sa kasaysayan ng komunidad at ng mga migranteng Pilipino sa siyudad, tatlumpu’t-apat na taon na ang nakakaraan.
“Kilalang-kilala ko kayong lahat.” Ito naman ang bungad na mga salita ni Mrs. Lilia Flores, na mas kilala sa tawag na ”Mommy,” bago magpahayag ng isang maikling mensahe para sa selebrasyon. Si Mommy Lilia ay isa sa mga founding members ng komunidad nang ito ay opisyal na itatag noong taong 1977. Isa siya sa maituturing na saksing buhay sa nagdaang tatlong henerasyon ng kasaysayan ng Comunità Filippina di Napoli. Malaki ang tiwala ni Mommy na mananatiling matatag at aktibo ang komunidad sa pagsulong ng mga darating pang panahon. Sa nakalipas na 34 taon mula nang ito ay maitatag, nabuo nito ang isang malawak at malalim na pagkakaisa ng mga migranteng Pilipino na nainirahan sa Napoli. Malaki ang maituturing na naging parte ng komunidad sa bawat kasaysayan ng bawat Pilipinong migrante sa siyudad. Si Mommy ay kabilang na sa ngayon sa pitong Honorary Members ng komunidad kasama sina Ms. Erlinda Verzola, Ms. Juanita Delo, Ms. Yolly Cabaroc, Ms. Letty Pacolor, Mr. Zary Delo at Mr. Romy Gadiano.
Naging matagumpay ang selebrasyon ng nasabing anibersaryo at malaki ang pasasalamat ni Mr. Joel Manuel, kasalukuyang Presidente ng komunidad sa suportang natanggap niya mula sa mga kaanib at opisyales nito. Kasama niyang pinasalamatan si Mr. Jose Yoro, Chairman ng Advisory Council ng komunidad at kasalukuyang Presidente ng Filipino Commnity Federation of South Italy (FILCOMFEDSI).
Naging akma ang temang ”You Light Up My Life” para sa ika-34 anibersaryo ng pagkakatatag ng Comunità Filippina di Napoli para sa taong ito. (Rogel Esguerra Cabigting)