in

CONSULAR AT POLO OUTREACH MISSION NG PHILIPPINE EMBASSY ROME SA CATANIA, NAGING MAKASAYSAYAN

Catania, Oktubre 29, 2013 – Mapapatala sa kasaysayan ng mga OFWs sa Catania ang kagaganap lamang na kauna-unahang Consular at POLO Outreach Mission ng Philippine Embassy Rome nito lamang nakaraang Oktubre 12 & 13.  Ito na siguro ang maituturing ng ating mga kababayan sa Catania na isa sa mga mahalagang okasyon na nag-iwan ng matinding saya sa kanilang mga puso. 

Maging ang pagbisita nang mga araw ding iyon ng ating Ambassador Virgilio A. Reyes, Jr. ay nakadagdag din sa kanilang kasiyahan.  Si Ambassador Reyes ang naitalang kauna-unahang ambasador na bumisita sa Catania. Mula sa ating tanggapan ng embahada, dumating din sa nasabing okasyon sina Labor Attachè, Atty. Viveca Catalig at Consul General Leila Lora-Santos.
 
Madaling araw pa lamang noong Oktubre 12 ay dagsa na ang mga Pilipino sa ERSU sa Via Verona, venue ng nasabing outreach, na matiyagang nag-abang sa pagbubukas ng konsular.  Karamihan sa kanila ay nanggaling pa mula sa mga karatig-pook ng Catania tulad ng Reggio Calabria, Messina, Giarre, Palermo at Siracusa. Kapansin-pansin ang maayos at tahimik na daloy ng mga transaksyon kaya hindi nasayang ang pagod sa paghahandang isinagawa ng organizer nito, ang Filipino Association of Catania (FAC) sa pangunguna ng kanilang Presidente, Ms. Leni P. Vallejo.
 

Isang masayang salo-salo ang inihanda ng FAC noong gabi ng Oktubre 12.  Ito ay sinabayan ng isang programang musikal na kinabilangan ng mga Pinoy talents ng Catania. Nakitang dumalo sa nasabing pagdiriwang ang mismong “Sindaco” ng Catania, On.le Enzo Bianco, na hindi makakaila na malapit sa puso niya ang mga Pilipino. Sa kanyang speech, ipinahayag niya ang mataas na tingin, paghanga at respeto sa mga Pilipino dahil ang kanya mismong mga anak ay maayos na inalagaan at inaruga ng isa nating kababayan. Nakisaya din sa nasabing salo-salo ang Philippine Honorary Consul to Catania, On.le Antonio di Liberto, il Capo Ufficio Stampa, Dott.Giampiero Panvini at Presidente dell’ERSU di Catania, Prof. Alessandro Cappellani.  

 
Ang nasabing Consular at POLO Outreach Mission sa Catania ay nagbigay daan din kay Ambassador Reyes upang ipahatid sa mga Pilipinong kasalukuyang naninirahan at naghahanap-buhay doon ang ilang mahahalagang updates.  Kanyang ibinalita ang patuloy na paglakas at pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas.  Binigyan niya ng diin ang kontribusyon at kahalagahang ginagampanan ng bawat OFW sa pag-usad nito.  Tinalakay din niya ang pinakahuling update sa patuloy na pagtibay ng bilateral relations ng Pilipinas at Italya lalo na sa Air Services Agreement.  Inaasahan sa lalong madaling panahon ang panunumbalik ng mga biyaheng Roma – Manila via Philippine Airlines.  Masaya rin niyang ibinalita ang magaganap na kauna-unahang Filipino fashion show at exhibit sa Oktubre 17, ang “FIBRE FILIPPINE”.  Bukod sa pagpapakita ng angking husay at talino ng ating mga designers, layunin din ng show na ipakita at ipakilala sa buong mundo ang mga fiber products ng ating bansa.
 
Makasaysayan ngang maituturing ang nabanggit na Consular at POLO Outreach Mission na naganap sa Catania lalo na para sa mga Pilipinong naninirahan dito.  Nag-iwan ito ng maraming maganda at masayang mga alaala.  Isa na dito ang naramdaman kong buhay na buhay na espiritu ng bayanihan at kaisahan ng mga Pilipino dito.  Sana sa paglipas ng panahon, ang kaisahang ito ay patuloy na mapapanatili sa inyong mga puso. (ulat ni: Rogel Esguerra Cabigting)
 
 
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Mille Colori, sa ika-limang taon

MGA DAPAT MALAMAN TUNGKOL SA COPD