Bahagi ng katatatag na Consulta dei Migrati ang Filipino Community of Catania at si Leni Pagilagan Vallejo ay itinalagang ikalawang kalihim nito.
Opisyal na itinalaga nitong Abril ang Consulta dei Migranti o ang Migrant Consultative Body ng Comune di Catania ni Mayor Enzo Bianco.
Pangunahing layunin sa pagtatalaga ng Consulta dei Migranti, na binubuo ng mga asosasyon ng mga imigrante sa Catania, ay ang makatulong sa mas madaling proseso ng integrasyon at maging aktibong bahagi ng komunidad ang mga imigrante sa Catania. Si Mayor Enzo Bianco ang opisyal na nagbukas ng pagtiitpon at nagtalaga sa mga kinatawan ng mga asosasyon.
Bahagi ng Consulta dei Migranti ang Filipino Community of Catania na pinamumunuan ni Leni Pagilagan Vallejo at kasama ang iba pang mga asosasyon tulad ng Eritrean Community, Federation of Mauritian Italian Association, Association des Immigrants Mauriciens de la Province de Catane, Catania Ganesh Association, Shiv Shakti, Intesa tra Culture, Shri Narasimha Swami Ramabajanamu Catania, Cheikh Hamadou Bamba at Brihottoro Dhakabashi.
Kasabay nito ay iniluklok din ang mga opisyales nito kung saan si Leni Pagilagan Vallejo ay ang nahalal na ikalawang kalihim. Ang president ay si Mauriziano Rama Dewanand Rao, bise presidente Sylla Magaye at si Sonia Alom naman ang kalihim.
Nagpahiwatig naman ng pasasalamat si Vallejo sa pambihirang pagkakataong ito.
“Nagsimula kaming ipaglaban ang pagkakaroon ng Consulta noong 2013 pa at sa wakas ang pagsusumikap namin ay nagkaroon na ng katuparan: ang magkaroon ng boses ang mga migrante. Ito po ay unang pagkakataon sa Catania na magkaroon ng Consulta at inaasahan po namin ang pakikiisa ng ating mga kababayan at lahat ng mga imigrante sa Catania upang magampanan namin ng matagumpay at may katapatan bilang mga opisyales ang ipinataw sa aming tungkulin”, ayon kay Leni.
Ang tanggapan ng Consulta dei Migranti ay pansamantalang matatagpuan sa biblioteca Bellini sa Via di Sangiuliano.