Magkakaiba man ang mga pinanggalingan ng mga miyembro ng koro, sila ay pinagbubuklod ng iisang layunin na ipahayag ang natatanging pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng musika.
Napapanahon talaga ng pamamayagpag ng iba’t-ibang mga Filipino Choir groups na pawang mga nagtatanghal sa buong panig ng mundo. Katatapos lamang ng matagumpay na pagkapanalo ng Regina Coeli Choir sa The Rimini International Choral Competition noong nakaraang buwan ng Oktubre, isa na namang choir group ang nagtatanghal sa iba’t-ibang siyudad sa Europa bilang parte ng kanilang European Tour, ang Coro Cantabile Choir.
Ang Coro Cantabile ay isang Filipino christian a cappella singing group na binubuo ng mga miyembrong kumakatawan sa iba’t-ibang christian churches sa Pilipinas. Bagama’t magkakaiba ang kanilang mga oryentasyon at mga pinanggalingan, ang grupo ay pinagbubuklod ng iisang layunin na ipahayag ang natatanging pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagko-compose ng mga awiting hihipo sa mga puso ng makakapakinig nito.
Ang Coro Cantabile ay naitatag sa Pilipinas noong Marso 2002 bilang isang choral group ministry ng Master’s Chorus Organization, Inc., isang asosasyong non-stock at non-profit. Ang mga miyembro nito ay sumasailalim ng pagsasanay ni Ms. Sharon Abesamis, ang Choirmaster ng koro at isa rin sa mga unang nagtatag sa grupo. Ang pangalan na ”Coro Cantabile” ay hango sa salitang Italyano na kung isasalin sa wikang Tagalog ay nangangahulugang ”madaling sabayan/kantahin” na tumutukoy sa mga musikang kinakanta ng koro na pang-masa at napakadaling sabayan maging ang mga ito ay klasikal, gospel, OPM o katutubo man. Ang koro ay binubuo ng mahigit sa tatlumpung mga miyembro ngunit sampu lamang sa mga ito ang pinalad na mapagkalooban ng visa para makasama sa kanilang European Tour sa taong ito. Ang koro ay nagsimulang magsagawa ng kanilang European Tours mula pa noong taong 2005. Napagkalooban na sila ng UNESCO ng gold medal award noong mga taong 2007 at 2008 na ipinagkaloob sa kanila sa Athens, Greece. Regular din silang nagtatanghal sa taunang ”Madz et al Festival” na pinangangasiwaan ng Philippine Madrigal Singers.
Ang European Tour ng Coro Cantabile ay nagsimula noong Oktubre 12-19 sa Germany at Spain. Dumaan sila sa bansang Italya at nagsagawa ng mga mini-concerts sa iba’t-ibang siyudad noong Oktubre 20-28. Kabilang sa mga siyudad na pinagtanghalan nila ay Perugia, Rieti, Latina, Roma at Terni kung saan sila nagkaroon ng pagkakataong makapagtanghal sa Piazza della Repubblica para sa mga Italian crowds. Mula sa Italya, ipinagpatuloy ng Coro Cantabile ang European Tour sa Amsterdam, The Nertherlands noong Oktubre 29 – Nobyembre 3.
CoroCantabile – The excellent Filipino choir that touches lives. (Rogel Esguerra Cabigting)