Isang 46 anyos na Pilipina, residente sa Padova at 17 taon na sa Italya, Covid survivor matapos ang tatlong linggo isolation.
“Nilagnat ako ng 4 na araw. Mahinang mahina ang katawan ko at hindi ko halos maigalaw ang aking mga paa. Kasabay nito ang pagtatae. Tumawag ako sa aking Medico di Base at ako ay binigyan ng gamot: antidolorifico at paracetamol. Makalipas ang ilang araw ay nawala ang aking lagnat ngunit bumalik ulit ang lagnat ko. Hanggang sa nagpunta na ako ng ospital at ang sabi ay Colico bilaterale dahil may Gallstones din ako“.
Dahil hindi na rin mapalagay sa pabalik balik na lagnat ay nag-request na ng tampone si Lucy (hindi totoong pangalan) noong March 30. Tulad ng kinatatakutang resulta ay positibo nga sya sa covid19.
“Noong una kong nalaman na positibo ako, tanong ko sa Diyos bakit ako pa? Ako lang ang inaasahan ng mga magulang ko sa Pilipinas. Parehong may sakit sa puso ang aking magulang. Tulo ang luha ko at sabay tanong bakit ako pa, kailangan pa ako ng pamilya ko…”
Nag home quarantine si Lucy dahil nawala na rin ang kanyang lagnat at wala na rin syang iniinom na gamot.
“Lahat ay pinaniwalaan ko para gumaling, totoo man o hindi, basta huwag lang makakasama. Kaya mainit na tubig lamang ang aking iniinom, may lemon at honey. Uminom din ako ng vitamins C at maraming prutas“.
Tatlong linggong isolation sa isang kwarto ngunit kinailangang ihatid at sundo ng ambulansya ng ilang beses sa ospital dahil sa pagtaas ng dugo, marahil sanhi na rin ng nerbyos at matinding pag-iisip.
“Kahit kasama ko ang asawa at anak ko, hindi ko sila nakikita, nilalagyan lang ako ng pagkain sa harap ng kwarto ko. Halos maloko ako ng tatlong linggo, wala kahit TV”.
Ito ang pinakamahirap na naranasan ko sa buhay pero hindi ako nawalan ng pag-asa, dasal sa umaga, sa araw at sa gabi. Hiling ko sa Panginoon na gumaling ako at huwag ng lumala”.
“April 18 at April 20, kinunan uli ako ng tampone. Noong tumawag sa akin ang aking duktor at sabihin na free covid na ako, naiyak na lang ako kasi pananalig lang talaga ang kinapitan ko. Salamat sa Dioys nalampasan ko lahat ng ito”.
“Gusto kong ibahagi ang aking personal na kasaysayan at baka mayroon tayong kababayan na nawawalan na ng pag-asa. Kapit lang sa Panginoon at hindi nya tayo pababayan. Pananampalataya at pagyakap sa Panginoon lamang ang tangi natin sandata sa ngayon. Mabait ang Diyos at malalampasan natin ang lahat”. (PGA)