“When do we start? We will start yesterday. Because today is too late”. Alan Peter Cayetano
Florence – Hulyo pa lamang ay usap-usapan na ang isang lalaking matanda na natutulog sa istasyon ng Sta Maria Novela, syudad ng Firenze.
Kilala si Manong Godofredo Agcaoili sa Piazza Independenza partikular sa komunidad ng mga Ilokano. Taal na taga-Sarrat Ilocos Norte ang matanda. Kalat ang balita na pinalayas siya sa kanyang tinitirhan. Di makabayad ng upa. Walang pamilya na nais kumupkop. Sa idad na 77, wala ring Italyanong magbigay ng trabaho.
Una ng nagbukas ng pinto para kay Manong ang mag-asawang Rene at Diana Viray ,mga kalagitnaan ng hulyo. Kagyat na nag-usap-usap ang Komunidad ng Pilipino sa Firenze na ipaabot sa kinuukulan.
Hulyo 30, 2017 ng opisyal na maipadala ang lahat ng pagkakakilanlan ni Manong sa POLO-OWWA Rome. Nagpadala na rin ng sulat ng sumunod na araw ang iba pang samahan sa Konsolato at Embahada sa Roma ( E-mail, Meesenger at tawag sa telepono).
Kaalinsabay nito, nangako din ng kagyat na pagbisita ang POLO-OWWA, paghanap sa pamilya sa Pilipinas at siniguradong pag-uusapan nila ng ATN sa Embahada ang kaso. Ito’y sa dahilan na di kasapi ng OWWA si Manong Agacaoili. Isang patakaran na ipinatutupad na tanging yaong may mga trabaho lamang ang maaring mag-miyembro.
Agosto 4, 2017 ay naglabas na ng balita (e-mail) si Simona , Sekretarya sa Konsolato na nakapanayam na nila si Manong, nakontak na nila ang asawa nito sa Pilipinas, inaayos na maibalik ang pensyon at nakapagtalaga na rin ng mga OFW na maaring makatulong. Sa kanyang balita, sinasabi din na malakas, masigla, nakapaglalakad ito at ipinamili pa nila ng pagkain.
Matapos pormal na mai-rekomenda sa Konsolato at Embahada sa Roma ang kalagayan ni Manong Agacaoili, nanatiling nakikitira siya sa bahay ng ating mga kababayan. Walang naipagkaloob na pansamantalang tirahan para sa kanya.
Umalingawngaw muli ang balita na may isang matanda na lakad ng lakad sa syudad. May pagkakataon pa nga na pinagtatabuyan sa harapan ng isang Chinese Restaurant dahil nanglilimos ng pagkain, kwento sa Facebook ng isang kababayan. Muli na naman siyang napabalita na natutulog sa istasyon ng tren. Walang kumot sa lamig ng gabi. Ampaw ang sikmura. Litang ang isip. Tila naghahanap ng landas pauwi.
Setyembre 6, 2017 sa tulong muli ng mga kababayan ay pinatuloy siya sa tahanan ni Tess Salamero. Isang boluntaryo sa Konsolato. Isa rin Pinoy na may pisikal na kapansanan (mild stroke), na nangangailangan din ng tulong.
Setyembre 21, 2017 tumakas sa tinitirhang bahay si Manong. Di alam ang dahilan. Kahit walang tiyak na patutunguhan. Kagyat na ipinagbigay alam ito ni Tess sa Konsolato.
Setyembre 25,2017 – naglabas ng kalatas ang Embahada sa Roma na nawawala si Gofredo Agcaoili at tulungan makita ang ating kababayan. Isang balita na nagsasalarawan ng desperasyon. Isang opisyal na anunsyo, Hanapin ang nawawalang OFW!
Setyembre 27, 2017 nakita na si Manong Agcaoili. Hindi sa istasyon, hindi sa lansangan at lalong hindi sa harapan ng Chinese Restaurant na naglilimos ng pagkain. Nakaratay sa Sta Maria Nuovo, Firenze. Ayon mismo sa kanyang salaysay nitong linggo, siya ay hinimatay sa daan, tinulungan ng mga pulis, isinakay sa ambulansya para dalhin sa ospital.
Setyembre 29, 2017 sumulat ang panganay na Apo na si Alfred Altiche Agacaoili sa isang lider sa komunidad, nailathala ito sa social Media. Humihingi ng tulong sa kinauukulan na tulungan ang kanyang Lolo at pamilya na mapauwi na si Manong Godfredo Agacaoili. Nagtatanong bakit kailangan pang mangyari na maatake ang matanda bago maasistehan, makauwi ng buo at masigla. Isang Lolo na di nakahiwalay ang isip sa katawan, isang lolo na maaring makatalamitam at mariringgan ng masasayang kwento.
Sa kasalukuyan, nakatakdang dalhin si Manong Agcaoili sa Rehabilitation Center sa Careggi. Sisikaping buhayin muli ang kaliwang braso at kamay nito. Papasiglahin ang dugong nanlamig na sa kahihintay sa paliko-likong daan pauwi ng sinilangang lalawigan sa Ilokos Norte.
Ng bumisita sa Roma at Milan si Undersecretary Sarrah Arriola ng ATN,sinabi niya, ini-utos sa kanila ni Presidente Duterte “To make make your life (OFW) easier”. Sa kabila ng mga magagandang polemika na ito, kung ang magpapatupad ay natutulog sa pansitan, matutulad ito sa isang basag na kampana.
Sa loob ng halos dalawang buwan, anyare?!
Ibarra Banaag