Fibre Filippine II at Search for Mr. & Ms. Fashion Model 2014, magkaiba at makahiwalay na fashion events sa Roma.
Roma, Septiyembre 15, 2014 – Dalawang mahalagang pagtitipon ang pinaghahandaan at nakatakdang matunghayan sa nalalapit na Oktubre at Nobyembre sa Roma. Parehong nauukol sa moda o fashion at may layuning itaas ng imahen ng mga Pinoy sa bansang Italya at buong Europa. Ngunit sa kabila ng iisang layunin, magkaiba ang pamamaraan ng pagpapakilala sa moda.
Sa isang anunsyo, nilinaw na gaganapin ang Fibre Filippine II sa Museo Nazionale Luigi Pigorini sa Roma mula Oktubre 16 hanggang 19 at sa Villa Maggi Ponti, Cassado d’Adda sa Milan mula Oktubre 23 hanggang 26.
Nasa likod ng organisasyon ang ENFiD (European Network of Filipino Diaspora), Les Artistes at ang Colori del Mondo. Samantala opisyal namang kinatawan ng mga nabanggit na organisasyon sina Marie Luarca-Reyes at Michele Piacentini. May opisyal na patrocinio ng Roma Capitale at Comune di Inzago ang Fibre II. Pangunahing sponsors naman ang Philippine Textile Research Institute, ang Philippine Postal Corporation at ang Philippine Embassy.
Tulad ng Fibre Filippine I, layunin nitong ipakilala ang philippine fibers sa Italya at buong Europa hindi lamang sa mga Pilipino ngunit lalong higit sa mga Italyano. Bukod dito, inaasahan rin ang tunay na paglaganap ng likas yaman ng Pilipinas at ganap na pagtitiwala sa husay ng mga Pilipino sa larangan ng moda. Samakatwid, malinaw na ang sentro ng gaganaping apat na araw na fashion shows at exhibits ay ang philippine fibers at ang mga likhang damit gawa sa mga produktong ito ng mga malalaking pangalan sa mundo ng fashion.
Samantala, isang anunsyo rin ang ipinalabas nina Dr. Casimero Dulay, Juvelyn Caraang at Jennifer Pauline Claro ng Mission Driven International, isang rehistradong asosayon sa Agenzia delle Entrate at may fiscal code na 97724050584. Ito ay ang nalalapit na Search for Mr. & Ms. Fashion Model of the Year 2014 na gaganapin sa Nov 2 sa Ergife Hotel, Roma.
Ang Search for Mr. & Ms. Fashion Model of the Year 2014, hindi tulad ng Fibre Filippine II, ay isang patimpalak ng mga nag-gagandahang dilag hindi lamang buhat sa Roma bagkus sa buong Italya at may layuning ipakita naman ang kagandahang pisikal at husay sa pagdadala ng kahit na anong uri ng damit ng mga kasali. Bukod dito ay “isang proyektong ukol sa mga kabataan o youth na hangaring makatulong sa kanilang personal development tulad ng talento, confidence o pagtitiwala sa sarili, sportmanship at marami pang iba”, ayon kay Dr. Dulay.
Malinaw rin na mababasa sa parehong anunsyo ang mga paglilinaw na bagaman may pagkaka-pareho sa ilang personalities involved, ang dawalang nabanggit na mga events ay may kanya-kanyang organisasyon at may magkaibang mga organizers at lalong higit ay magkaibang pagdiriwang:
“Fiber Filippine II is NOT in any way connected with another Fashion Show that is taking place in Rome in November at Ergife Hotel. This is an entirely separate undertaking. If there are duplications of personalities involve in both projects, these are purely accidental and coincidental”, ayon sa paglilinaw ng mga organizers ng Fibre Filippine II.
“The Search for Mr. & Ms. Fashion Model of the Year 2014, has nothing to do, in anyway, or even connected with Fibre Filippine II”, ayon sa anunsyo ng mga organizers ng search.