Nangibang-bayan upang kumita ng malaki, nagtitiis ng lungkot at isinakripisyo ang pamilya kapalit ng hangaring mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga anak.
Ito ang dahilan ng mga Pinoy sa pagtatrabaho sa labas ng bansa ngunit sa mahahalagang okasyon, hindi nila ito pinalalampas.
“GRADUATION”,….ito ang karaniwang dahilan ng pag-uwi sa Pilipinas ng mga OFW tuwing buwan ng Marso. Sa kabila ng nararanasang El nino ng Pilipinas , nagdagsaan sa Malpensa airport ang mga OFW upang maka-uwi at makadalo sa isang mahalagang okasyon sa buhay ng kanilang anak.
Isa si Antonio Agcarao mula sa Milan ang excited na umuwi upang dumalo sa mahalagang okasyon ng kanyang anak. “ah uuwi ako dahil sa graduation ng anak ko dahil importante po sa akin, para naman po masusulit yun pagod dito sa Italya tapos aattend ako ng holy week sa atin dahil katoliko po tayo”.
Gayundin si Emma del Rosario, apat na taon na siyang di nakaka uwi ngunit sa araw na mahalaga para sa kanyang anak na bunso, isinakripisyo nya ang trabaho. Sinabi ni Mrs. Del Rosario na mahalagang pahalagahan din ng mga magulang ang mga pagsasakripisyo ng mga ank tulad ng pagsisipag ng mga ito sa pag-aaral.
Bukod sa araw ng pagtatapos, habol din ng pag-uwi ng mga Pinoy ang pag-obserba ng semana santa sa Pilipinas kung saan ito ang pagkakataon na makahalubilo ang mga kamag-anak.
Para naman sa ilang OFW, hindi raw ideal na buwan ang Marso at Abril upang umuwi sa Pilipinas dahil sa sobrang init ng panahon na nararanasan sa mga buwan na ito.
Pinaka-magandang buwan raw ng pagbabakasyon sa Pilipinas ang Disyembre bagama’t magastos, masaya at medyo mababa ang temperatura. (Zita Baron)