in

Dalawang Mahalagang Okasyon, sa Pagdiriwang ng Filipino Food Month sa Roma

Dalawang mahalagang okasyon ang sabay na ginanap sa pagdiriwang ng Filipino Food Month noong Abril sa Social Hall ng Philippine Embassy sa Roma, sa pangunguna ni Philippine Ambassador to Italy Neal Imperial.

Ang unang okasyon ay ang book launching na “We Cook Filipino” ni Ms. Jacqueline Chio-Lauri. Sinundan ito ng Filipino Food & Restaurant Digital Guide in Rome at nagtapos ang pagdiriwang sa isang Patikim kung saan tampok naman ang mga lutuing Pilipino mula sa anim na Pinoy restaurants sa Roma.

Panauhing pandangal si Director-General Qu Dongyu ng Food and Agriculture Organization of the United Nations (FAO). Ang pagdiriwang ay dinaluhan din nina Undersecretary Asis Perez ng Philippine Department of Agriculture (DA), Ms. Cristina Costa ng Italian Ministry of Foreign Affairs and International Cooperation. Nakasama din ang bagong tatag na Philippine Chamber of Commerce in Italy (PCCI), Italian bloggers at media.

“We Cook Filipino” Book Launching

Sinimulan ang Filipino Food Month Celebration sa pamamagitan ng book launching na “We Cook Filipino” ni Ms. Jacqueline Chio-Lauri.

Ang “We Cook Filipino” ay hindi isang tradisyunal na cookbook, bagkus ito ay koleksyon ng mga ‘heart healthyrecipes mula sa 36 na mga Filipino chefs, food writers at influencers mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Tampok din ng libro ang kanilang mga success stories.  

Ayon kay Ms. Jacqueline, partikular sa kanyang ikalawang libro ang pagbibigay ng malusog na approach ng pagluluto ng filipino dishes gamit ang ating very own ingredients. Aniya, ang sakit sa puso, sa kasamaang palad, ay karaniwang sakit sa maraming pamilyang Pilipino, sanhi na din ng ating paraan ng pagluluto at labis na paggamit ng ilang mga ingredients.  Sa pamamagitan ng librong ito, dagdag pa ni Ms. Jacqueline, mapapanatili natin ang kalusugan habang ini-enjoy natin ang ating sariling lutong Pinoy.

Let’s stay happy and stay healthy”,

pagtatapos ni Ms. Jacqueline.

Filipino Food & Restaurants in Rome Digital Guide Launching at Patikim

Kasabay ng pagdiriwang ng Food Month ay inilunsad ng Philippine Embassy Rome ang Digital Directory ng mga Filipino Restaurants at Dessert Shops sa Roma.

Ang digital guide, bukod sa mga paboritong ulam, sawsawan at panghimagas na ipinagmamalaki ng mga Pilipino, tampok din sa digital guide ang storya ng pangarap, hirap, hamon at patuloy na pakikipagsapalaran ng mga Pinoy owners nito.

Patikim

Sa katunayan, ang anim na restaurant owners ay nagbigay ng brief presentation ng kanilang mga restaurants at ng kanilang inihandang pagkain – Ala Eh, ang Loming Batangas; Manila Restaurant, ang Daing na Bangus; Neighborhood Filipino Restaurant, ang Lumpiang Shanghai; Sarap SNC, ang Spicy Coconut Chicken; Tali N Tiago, ang Kare-kare, Crispy Pata at Laing. Para naman sa dessert ay naghanda ang Gel’Istria ng sariling ube ice cream.  

Pagkatapos isang masaganang hapag ang sabay-sabay na pinagsaluhan ng lahat. Bukod sa nasarapan, nakitaan ang mga panauhin ng paghanga sa Filipino food at natuwa sa Filipino Community na simulang nakikilala bilang mga restaurateurs sa Roma.

Pasasalamat naman ang ipinaaabot ng Filipino Community sa pag-oorganisa ng PE Rome ng isang pambihirang okasyon na nagbigay pagkakataong mapakilala ang Filipino food at mga Filipino restaurants sa Roma.

Ang QR code ng Digital Guide

Ang dalawang okasyon ay nagbigay ng pagkakataon sa mga Pilipino na maipakilala at maipagmalaki ang ating kultura sa pamamagitan ng pagkain sa Roma. Ito ay naging pagkakataon upang bigyang-halaga ang pagpapasa ng mga tradisyonal na pagluluto sa mga sumunod na henerasyon kahit sa labas ng bansang Pilipinas. At higit sa lahat, ito ay nagbibigay inspirasyon na palakasin ang ating identidad bilang Pilipino at pagmamahal sa ating kultura sa pamamagitan ng pagkain.

Panahon na upang makilala ang pagkaing Pinoy at ang mga Filipino restaurants sa Roma“, pagtatapos ni Ambassador Niel Imperial.

Click to rate this post!
[Total: 2 Average: 4.5]

Pinay, binawian ng buhay sa bahay ng employer sa Roma

Consular Outreach Mission ng Embahada tuloy sa Cagliari