Timbog ang dalawang pinay na sangkot umano sa iligal na sugal.
Matagal nang napapansin ng mga residente na nagtitipon tipon ang mga grupo ng pinoy sa Piazza Manila sa Roma at namataan din nang lumaon ng mga ito ang laro ng baraha na may kasamang pera.
Dahil sa hindi matigil ang ganitong eksenang normal nang nakikita mula umaga hanggang madaling araw, nagsumbong na ang mga tao sa mga kinauukulan.
Kasunod ng reklamong ito ng mga concerned citizens ay nagorganisa ng ilang teams ang mga kapulisan, may mga naka uniporme at may mga naka sibilyan upang hindi mahalata ng mga inoobserbahan ang isinagawang pagmamatyag. Direktiba umano ng Commissariato Villa Glori ang isinagawang operasyon laban sa ipinagbabawal na droga at iligal na sugal.
Matagal din na nagmatyag ang mga pulis, naghintay ng tamang pagkakataon upang mahuli sa akto ang mga inireklamo. Ang sobrang saya ang naging daan upang mahuli ang mga ito.
Ayon sa report, ang isa sa mga suspek ay hindi umano napigilan ang pagsigaw sa tuwa nang ito ay manalo ng singkuwenta euros. Dito na lumapit ang mga pulis at pormal na nagsimula ang pagiimbestiga. Pinuntahan din ng mga alagad ng batas ang tirahan ng mga sangkot kung saan nila natagpuan ang ilang baraha at isang mamahaling relo na hindi maipaliwanag ng pinay ang tunay na pinanggalingan. Sa una ay itinatanggi pa umnao ng mga nahuli ang pagsusugal at pustahan ng pera ngunit nang maipakita ang ebidensya kalaunan ay umamin na rin ang mga ito.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong illegal gambling. (ni: Quintin Kentz Cavite Jr.)