in

Dandy, Pasok sa Serale ng ‘Amici’

Pasok na sa Serale ng sikat na talent show na Amici sa Italya ang 22-anyos na si Dandy Cipriano, isang Pilipino! Dahil sa husay at determinasyon, nakapasok si Dandy sa Amici matapos niyang manalo sa ‘sfida’. Sa kabila ng matinding kompetisyon, pinatunayan niya ang kanyang galing at dedikasyon sa kanyang talento at ito ay nagbunga ng inaasam na pwesto sa second phase ng talent show ni Maria De Filippi.

Si Dandy ay lumaki sa Italya, at mula pa pagkabata, mahilig na siyang sumayaw at madalas sumasali sa mga local competition. Self-taught si Dandy sa pagsasayaw, sa pamamagitan ng panonood ng mga video sa YouTube at sa panonood ng iba pang mga batang Pilipino na sumayaw. Sa suporta ng kanyang pamilya, pumasok si Dandy sa isang Dance Academy School sa Rome upang ipagpatuloy ang kanyang pangarap na maging isang professional dancer. Napanood din ng buong Italya si Dandy noong nakaraang taon sa Sanremo Festival at sa Viva Rai 2. Lalo niyang pinaghusay ang kanyang talento, hanggang sa nabigyan siya ng pagkakataong maging bahagi ng Amici.

Sa kanyang pagpasok sa talent show, ipinakita ni Dandy ang kanyang husay, dahilan upang makuha niya ang respeto at paghanga ng mga hurado at manonood. Ang kanyang pagsusumikap at determinasyon ay nagbunga, at ngayon ay haharap siya sa mas matitinding pagsubok sa Serale, kung saan ang pinakamahuhusay sa kompetisyon ay magpapasiklaban.

Lubos ang pasasalamat ng mga magulang ni Dandy sa lahat ng sumusuporta sa kanilang anak. Sa isang panayam, sinabi nila:

“Bilang mga magulang, hindi namin inakalang aabot siya sa ganitong punto. Alam naming mahirap ang landas na pinili niya, pero lagi naming sinasabi sa kanya na huwag siyang susuko. Ngayon, natutupad niya ang kanyang pangarap, at kami ay labis na proud sa kanya. Maraming salamat sa lahat ng naniniwala kay Dandy!”

Bukod sa pamilya at mga kaibigan, maraming Pilipino sa Italya ang proud kay Dandy, na nagsisilbing inspirasyon sa mga kabataang nangangarap sa larangan ng sining at entertainment.

Patuloy nating suportahan si Dandy sa kanyang paglalakbay sa Amici!

Click to rate this post!
[Total: 2 Average: 3.5]

Mga kabataang Filipino-Italian, Rumampa sa 7th International Fashion Festival sa Milan Fashion Week

Santo Padre, Patuloy ang Paggaling!