Kinoronahan si Danilo Bansagale bilang kauna-unahang Ginoong Pilipinas-Italia.
Roma – Ginanap sa unang pagkakataon nitong Mayo sa Roma, ang Ginoong Pilipinas-Italia 2014. Sa pangunguna ng ACEG o Alona Cochon Entertainment Group at kolaborasyon ng Ginang Pilipinas – Italia Group at Friendship Group, pitong magigiting at mga maginoog GINOO ang sumabak sa patimpalak kung saan natunghayan ang galing, talento at tapang na maipakita sa madla ang pagiging ganap na “AMA ng Tahanan”.
Hindi naging madali ang maging hurado sa gabi ng awarding. Mula sa opening number hanggang sa Q&A ay nagpakita ng panibagong anyo ang mga finalist na lubos na hinangaan hindi lamang ng mga dumalo at sumoporta sa patimpalak, kundi lalong higit ng mga huradong sina Gng. Irma Tobias, International dance athlete Rodel Espinosa at Monsignor Jerry Bitoon na lalong nagpabigat sa kanilang tungkulin.
Bukod sa pagiging Grand Winner ng Ginoong Pilipinas-Italia 2014 ay hinakot ng 54-anyos ang mga special awards tulad ng Best in National Costume, Best in Sports Wear, Best in Formal Attire at ang Ginoong Talent.
Itinanghal namang Ginoong Photogenic at 1st Runner-Up si Majid Buenavente.
Ginoong Facebook 2014 at Ginoong ACEG 2014 at 2nd Runner-Up naman si Blas Trinidad Jr.
Ginoong Friendship, Ginoong Popularity, at Gawad Ulirang Ama 2014 ang mga special awards na nasungkit ni 3rd Runner-Up Randy Velasco.
Kabilang din sina Danny Florida na hinirang bilang Ginoong Filinvest 2014 at Ramil Angeles bilang Ginoong Friendship Group 2014 sa mga finalist.
Bagaman, hindi nakadalo sa ginanap na awards night ang isa sa mga finalist na si Raymond Valdez dahil sa karamdaman, lubos naman ang suportang ipinakita nito sa mga kapwa pinalista.
Sa direksyon ni Benjamin Vasquez, ang awards night ay naglalarawan ng isang magandang pagtatanghal ng mga Ama ng Tahanan na dinaluhan nina Consul General Leila Lora-Santos at Vice Consul Jarie Osias. (larawan ni: Kylee Samson)