in

Diaspora, ang temang nasa puso ni Dandy

"Ang mga gawa ko ay bunga ng pinaghalong reyalidad, sitwasyon at damdamin na binuo ng puso at isip at binigyang buhay ng ibat-ibang matitingkad na kulay" – Dandy.

Florence, Marso 12, 2014 – Si Dandy Robosa, 37 anyos at tubong Bukidnon. Tapos ng kursong Commerce major in Management (1998) ngunit nag-desisyong manatili sa lugar na sinilangan upang makatulong sa pagpapalago ng negosyong pang-agrikultura ng kanyang lola na nagpa-aral at nagpa-laki sa kanya. Taong 2003 ay hinarap niya ang hamon ng  pagiging isang ofw sa Taiwan  kung saan nag-trabaho bilang contract worker. Kasalukuyang naninirahan sa Florence, Italy bilang isang ofw, kasama ang asawa halos limang taon na. Dito ay muli niyang ipinagpatuloy ang pagguhit at ang pagiging isang pintor, makalipas ang mahabang taon ng pag-iisantabi sa talento.

Paano ka naging isang pintor?

Hindi ko makakalimutan ang pagkakataong nakita ko ang isang kalendaryo na may larawan ng “Madonna and the child”. Hindi ko matandaan kung sino ang gumawa ngunit tandang-tanda ko pa ang mga inosenteng tanong na nabuo sa napakabata kong pag-iisip: Sino sila? Totoo ba sila? Bakit parang hindi? Saan sila nanggaling? Kung sakaling hindi sila totoo, paano sila napunta dyan?  Nakakahiya mang sabihin, pero wala kaming ideya at hindi kami pamilyar sa katagang “arte” o sining  sa panahong iyon.  Ang agrikultura ang nagturo sa akin ng daan tungo sa mundo ng sining. Ito ay sa pamamagitan ng matinding pag-oobserba at pagsisikap, natutunan ko ang pagguhit ng  anatomiya mula sa mga magsasaka at mga hayop na kasa-kasama nila. Samantala ang mga malalawak na sakahan, bukirin, ilog, kapatagan at mga tanim naman ang syang nagturo sa akin kung paano gumuhit at magpinta ng magagandang tanawin.  Sa madaling salita natutunan kong pag-aralan ang sining mula ng matutunan kong mahalin ang lahat na nakapaligid sa akin.  Sa kagustuhang manatili sila sa aking alaala at sa alaala ng ibang tao, nag-desisyon akong ipinta ang mga importanteng pangyayari sa paniniwalang ang mga panahong iyon ay magiging alaala na lamang sa paglipas ng mahabang panahon.

Hadlang ba ang pagiging isang Pilipino sa sining sa Italya?

Ang lahi ng isang tao ay hindi hadlang upang maging pintor. Ako ay naniniwala na ito ay likas at natural na talento, na bahagi na ng pagkatao ng isang pintor: maaaring palalimin pero hindi maaaring baliwalain.  Tulad ng ibang karapatan, tulad ng karapatang mangatwiran, magsalita, mag-isip at magpaliwanag ay idinadaan ng isang pintor sa pagpipinta.  Ang pagiging isang Pilipino ay hindi hadlang kaylan man para magpinta bagkus para sa akin, ang pagiging Pilipino, dito sa ibang bansa ay isang matibay na dahilan at nagbibigay ng mas malinaw na direksyon, para ipagpatuloy ang pagpipinta. Bukod dito, ay maipapa-intindi sa iba na ang lahat ng tao saan mang sulok ng mundo, ano mang lahi, lahat ay pantay-pantay at may karapatang maging pintor.

Ang iyong mga kwadro ay very symbolic. Mayroon ka bang mga ini-idolong pintor? Pintor na Pilipino?

Iniidolo ko ang lahat na mga pintor ano mang lahi at ano man ang katayuan sa buhay.  Ang bawat isa ay unique at walang kaparehas. Bawat pintor ay kakaiba at hindi natin pwedeng  ihalintulad o  ikumpara sa kapwa pintor dahil bawat isa ay may katangiang espesyal na hindi nagagawa ng iba.  Ang mga gawa ko ay bunga ng pinaghalong reyalidad, sitwasyon at damdamin na binuo ng puso at isip at binigyang buhay ng ibat-ibang matitingkad na kulay. Sa contemporary nating panahon, medyo mahirap makagawa ng sariling estilo dahil na rin sa napakalakas na kumpetisyon. Ako ay nagdesisyong gumawa ng estilo ng simbolismo at resulta na rin ng pinaghalong classical at contemporary upang madaling maintindihan ng mga tumitingin, lalo na ng mga taong tulad ko na naranasan mismo ang mga sitwasyong pinipinta ko.

Ang iyong tema ay karaniwang naglalarawan ng migrasyon. Sa katunayan sa iyong website ay makikitang nakasulat: the diaspora of people and their adventures in life at we have so much stories to share with one another. Ano ang imigrasyon para sa iyo at gaano ito kahalaga?

Ang bawat isa sa atin ay may sariling kwento; malungkot, masaya, may aksyon at yong iba naman ay madrama. Para sa isang dayuhan na katulad ko, mayroon akong kakaibang kwento na siguradong makaka-relate kayo.  Bago pa ako napadpad dito sa Italya ay nag-trabaho ako sa Taiwan. Doon ko unang nakita ang totoong sitwasyon ng mga OFW. Alam ko na iyon ang hinahanap ko at doon nag-umpisa ang mga kwento ko.  Noong lumipat ako dito sa Italya ang mga kwentong iyon ay hindi natapos kundi mas lalo pang pinadami at pinaganda ng ibat-ibang klase ng tao.  Ang tema ng mga gawa ko ay hango sa isyu ng migrasyon, mga importanteng sitwasyon na kumuha ng aking atensyon.  Ang kwento ng Diaspora ay nagsimula pa noong Genesis sa panahon ni Moses at ang katotohanan ay hanggang sa ngayon ito’y nagpapatuloy parin. Marami akong nababasa na kwento ng migrasyon noon na halos maihalintulad natin sa ngayon, nag-iiba nga lang ang mga tauhan at sitwasyon pero ang totoong pakay ng mga taong lumalabas sa kani-kanilang sariling bansa para manirahan sa ibang bansa ay ganun parin at hindi nagbabago, naniniwala ako na it’oy hindi matatapos at mas lalo pang dadami ang katulad nating mangingibang bansa sa pag aakalang ito ang solusyon ng lumalalang problemang pang ekonomiya at politikal ng ating bansa.  Napakarami nating magaganda at malulungkot na kwento, kung hindi kayo at hindi ako, sino ang mag kukwento nito? Sino ang mag-kukwento sa susunod na henerasyon tungkol sa dinaranas at pinag-dadaanan natin ngayon? Paano nila malaman ang mga hinaing at sakripisyo natin ngayon kung walang katulad ko at katulad nyo na mag-kukwento sa mga pangyayari ngayon?  Kaya tayo na mag-kwentohan tayo, mag kwento ako at ikwento nyo para may ikukwento tayo sa kanila.

Ang mga lumipas na exhibit? Ano ang iyong pinagkakaabalahan ngayon? Ang mga future projects?

Kung mayron man akong pinanghihinayangan, ito ay iyong mga panahon na kinalimutan at pinabayaan ko ang pagpipinta at binigyang toon ko ang trabaho, maliban sa mga exhibit sa Pilipinas. Sa ngayon, iilang group exhibit at competition pa lamang ang nasalihan ko dito sa Italya tulad ng Flyenergia, Milano (Concorso internazionale di pittura), Biennale Art Brescia, Art Cloud Firenze (Festival of Contemporary Visions) at Modern Diaspora (Firenze). Mayroon akong exhibit sa mga susunod na buwan at marami pa sa taong ito kasama ang mga kapwa artists na may kakaiba at iisang hangarin.

Ano naman ang iyong maipapayo sa mga gumuguhit at pintor na nagsisimula pa lamang? Anu-ano ang mga maituturing mo na pangunahing values sa sining?

Mula ng natuklasan ko na ako ay color blind ay huminto agad ako sa pagpipinta ng mahigit limang taon sa pag aakalang ito’y hadlang sa aking ginagawa.  Maliban pa sa diskriminasyon at pangungutya, iniwasan ko ring magpinta dahil narin sa payo ng ilan na dapat ihinto ko ang pagpipinta dahil ito’y magdulot ng hindi magandang resulta. Ngunit nang dumating ako dito sa Firenze at sa pamamagitan narin ng sariling pag-aaral napatunayan ko na ang tunay na sining ay hindi nanggaling sa mata lamang kundi ito’y galing sa ating isip at kaibuturan ng ating puso.  Kung ikaw ay may kakayahan para maging isang artist huwag mong baliwalain kasi mas lalo kang mahihirapan. Pakinggan kung ano ang sinasabi ng isip, sundin kung ano ang tinitibok ng puso at mahalin kung ano ang mayroon ka at sino ka.   Ang pagiging artist ay isang likas at natural na talento na hindi lang pang mayaman at hinding-hindi naman hadlang ang kahirapan.  At tulad ng nabanggit ko na ko,  maaaring pagyamanin o palalimin pero hindi maaring baliwalain. Bilang isang artist katungkulan nating pangalagaan ang ating kultura, i-kwento ang katotohanan at i-preserba ang mga importanteng pangyayari sa panahon natin ngayon sa kahit ano mang paraan ng pagpipinta, skultor, potograpiya, musika o literature, ang mahalaga ay ginagawa natin ito sa mabuti at responsableng paraan.  Iilan lang sa atin ang may ganitong katangian kaya hwag nating sayangin, tulad ng mga ibang lahi, ipakita natin na mayroon tayong pwedeng gawin at kaya nating makipag sabayan sa larangan ng sining. (Stefano Romano)

Para sa karagdagang impormasyon, bumisita lamang po sa www.dandyrobosa.com

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Sanggol, ipinanganak sa loob ng kotse

Social card ipinagkait sa mga imigrante