Si Dindo Buenaflor Malanyaon, isang Ofw sa Italya, ay isa mga pinarangalan nitong nakaraang Disyembre 2018 bilang Presidential Awardee sa Malacanang Palace.
Ang Banaag Award ay iginawad kay Dindo ng Pangulo ng Pilipinas kung saan kinikilala ang kanyang walang sawa at walang pagod na pagtulong sa mga kapwa Ofw sa Italya, partikular sa Roma upang magkaroon ng mas magandang buhay at maitaas ang dignidad ng mga Pilipino sa Italya.
Tubong Makati City, si Dindo ay nagtapos ng Bachelor’s degree in Medical Technology taong 1995 sa Centro Escolar University. Siya ay nagpatuloy sa maraming postgraduate courses at training program tulad ng emergency evacuation, first aid, ambulance operation at firefighting. Nagtrabaho sa Makati Rescue Team sa ilalim ng Makati City Government. Ang kanyang paglilingkod sa mga migrante simula taong 2000 bilang Emergency Medical Assistant sa Konsulado ng Republic of Slovenia sa Mandaluyong ang nagsilbing ‘baon’ niya papuntang Italya para sa mas malalim na paglilingkod sa komunidad.
Taong 2002 nang nagtungo si Dindo sa Italya at naglingkod bilang isang caregiver. Ngunit ang hamon ng mas magandang buhay para sa sarili at sa magulang ay lalong nagpatindi sa ugaling tila minana pa ni Dindo mula sa mga magulang: ang kanyang ama ay isang alagad ng batas at ang ina ay bahagi ng health industry. Ito ay ang pagtulong sa kapwa na kanyang nakagisnan at kinalakihan.
Ito ay nagpatuloy hanggang sa kanyang pangingibang bayan. Sa pamamagitan ng iParamedici na kanyang itinatag noong 2011 ay gumawa si Dindo ng isang proyekto na ang pangunahing layunin ay ang “Empowering OFWs in a Globalized Arena of Works”.
“Patatagin ang kalinangan, kamalayan at kasanayan ng bawat OFW sa ikagaganda ng kinabukasan ng kani-kanilang pamilya”, paalala pa ni Dindo.
Programa ng iParamedici ang pagsasailalim sa maraming kurso kabilang ang Life Support Training, First Aid, Fire Fighting, Patient Care Skills Training at Health Care Assistance for the elderly.
Sa ilalim ng Patient Care Skills Training ay dumadaan sa mga pag-aaral at pagsasanay ang mga trainees sa loob ng pitong linggo. Dito ay pinag-aralan kung paano ang maging isang ganap na caregiver at ang tamang pag-aalaga sa mga pasyente pati na rin ang tamang pag-uugali sa panahon ng emerhensya.
Nasa ika-pitong taon na ang makabuluhang proyektong ito. Sampung grupo kung saan 200 mga Pilipino sa Roma ang sumailalim sa mga pagsasanay, umakap at naniwalang ang karangdagang kaalamang ito ay magbibigay ng kompetensya at mas siguradong hanapbuhay sa panahon ng matinding krisis sa ekonomiya sa Europa, partikular sa Italya.
At sa suporta ng OWWA Overseas Worker Welfare Administration sa pangunguna ng mga Welfare Officers sa Roma ay higit na napalawak ang mga kapaki-pakinabang na kurso na noong una ay sa mga miyembro lamang ng OWWA ibinibigay ngunit ng naglaon ay ibinukas na ang mga kurso kahit sa mga non-members at mga undocumented na Pilipino.
Bukod sa mga nabanggit, ang iParamedici ay may suporta din mula sa Italian institutions tulad ng Regione Lazio, Ministry of Interior at samakatwid ang certificate mula sa mga kurso ay kinikilala din sa European Union.
“Salamat sa suporta ng Embahada at OWWA ay marami ang natutulungang mga Pilipino sa Roma: una ang maibalik ang self esteem at pag-asa sa mga nagtapos na Ofws sa Pilipinas ngunit nahihirapan ang magkaroon ng trabahong kanilang nais sa Italya; ikalawa ang makaroon ng isang sertipiko na kinikilala ng Regional Office, ng Ministry of Interior ng Italya at samakatwid ng European Union; ikatlo ang posibilidad na magkaroon ng matatag at nais na trabaho at ang pagkakaroon ng financial stability”, dagdag pa ni Dindo.
“Kahit sa mga professionals na o tapos na Ofw sa Pilipinas, nakakatulong pa din ang sertipiko na kinikilala ng Europa. Sa katunayan, mayroong mga testimonies ng mga dating trainees na nasa isang bansa na ngayon ng Europa at pinakikinabangan ang natanggap na sertipiko”, aniya.
“Aming maipagmamalaki na mula sa kursong ito, may ilang dating domestic helper sa Italya ang nagta-trabaho na ngayon sa Sweden bilang Health Care Assistant at isang neuro nurse naman sa St. Luke’s Hospital sa Plipinas”, dagdag pa ni Dindo.
“Pinatatag ng mga trainings na ito ang mga trainees. Mawalan man sila ng trabaho sa anumang kadahilanan ay mabilis silang makakahanap ulit ng panibago sa sahod na higit pa sa nakasanayan na nila”
Samantala, ano naman ang pakiramdam ng isang Presidential Awardee? May magbabago ba kay Dindo?
“Sa totoo lang hindi ko alam na may ganyang award pala. Kaya talagang nagulat ako noong una. Masaya, napaka-saya ko dahil sa ika-pitong taon ng proyekto ay nakita ko ang magandang resulta nito. Salamat dahil sa pamamagitan nito ay nagkaroon ako ng pagkakataong dalhin ang mga Pilipino sa Italya sa Pangulong Duterte at maipagmalaki ang ating marangal na hanapbuhay dito. Gayunpaman, may award o wala akin pa rin pong ipagpapatuloy ang aking ipinangakong sampung taon na ibubuhos at iaalay dito para sa ikagaganda ng buhay ng aking kapwa Ofws. At wala, walang magbabago kung mayroon man, ito ay para sa ikagaganda lalo ng project”.
May mensahe ba ang Pangulo ng kanyang isabit ang medalya sa iyo?
“Una sa lahat nakita ko ang kababaan ng ating mahal na presidente. Ikalawa, wala syang nabanggit kundi ‘Salamat Dindo’ – isang salita lang pero malalim ang kaluhugan at ang aking tanging naisagot ay ‘Para po sa Republika’.
Ikatlo, ako po ang may mensahe sa ating mga kababayan. Makakamit lamang ang Knowledge, Ability at Competence na motto ng asosasyon ng iParamedici kung may paniniwala, pagsusumikap at huwag kalimutan ang pagtulong sa kapwa dahil ang mga ito ang magsisilbing ilaw at gabay sa mga Pilipinong tila nawawalan ng pag-asa sa buhay. Nandito lamang po ang iParamedici upang kayo ay turuan”.
“Hanggat may ofw na handang tulungan ang sarili upang guminhawa ang kabuhayan para na rin sa kanyang pamilya, siya ay aking tuturuan. I don’t help, I teach”, pagtatapos ni Dindo.
PGA