“Ang hilig mo sa isang bagay, tulad ng paggamit ng isang musical instrument, ay dapat manggaling sa puso’t damdamin upang maging ganap na isang musician”, Dipolog Community Rondalla
Hunyo 19, 2015 – Isang malaking karangalan para sa Dipolog Community Rondalla ang magpalabas sa Milan, Italy sa pamumuno ng kanilang conductor na si Jay Sarita. Ito ang kanilang ikalawang international exposure. Ang una ay ang paglahok ng grupo sa isang Music Festival sa Taiwan noong December 2014.
Ang grupo ay naimbitahan para sa isang special performance sa pagdiriwang ng ika-117 taon ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas sa Milan kamakailan.
Maliban dito ay nagkaroon din sila ng dalawang concert: una sa Ca Granda Auditorium at ang ikalawa ay sa isang Music Diner na bahagi ng kasalukuyang ginaganap na Expo 2015. Ang tema ay ang “La città mondo in festa” (the city festival of the world), sa pamumuno ni Anabel Mayo.
Mga proud pinoys sina Jay Sarita, Astly Brian Turno Lee, Jomar Montefalcon Omisol, Eli Diaz, Ember Yanuelle Recente Diestro at Carlos Jose Janolino na ipinakita ang galing sa larangan ng paggamit ng mga musical instruments tulad ng mga bandurria at gitara.
Sa pamamagitan ng National Commission on Culture and Arts o NCCA, ang grupong Dipolog Community Rondalla ang napiling ipadala sa Italya para mag perform. Ito ay matapos humiling ang Philippine Consulate General in Milan sa pamamagitan ni Consul General Marichu Mauro sa NCCA ng grupong maaring ipadala sa Italya, ayon kay Sarita sa panayam ng Ako ay Pilipino.
Lima sa labing limang miyembro ng Dipolog Community Rondalla ang napili para sa selebrasyon ng Araw ng Kalayaan.
“The NCCA required only six persons to represent the group, lima ang pinili ko according to their specialty in the musical instrument and seniority to the group plus ako as their conductor, kaya anim kami,” wika ni Sarita.
Maliban sa mga Pinoy, ay dumulog din sa mga nabanggit na concert ang mga Italyano, Español at Peruvians.
Ang piyesang “CZARDAS” ni Vittorio Monti, isang Italian composer, ang pinakamahirap na piyesa ayon sa lider ng grupo dahil sa mga kumplikadong nota nito, kung kaya’t matiyagang sinanay ito ng grupo hanggang sa nakuha nila ang tamang tempo.
“Kung ang hilig mo sa isang bagay, tulad ng paggamit ng isang musical instrument, ay dapat manggaling sa puso’t damdamin upang ikaw ay maging ganap na isang musician”, ang iisang sagot ng bawat miyembro na nakapanayam ng Ako ay Pilipino.
Ang opening music piece sa konsyerto ay ang “BUKANG LIWAYWAY”, kasunod naman nito ang “Air on the G”, “Czardas”, “Sta Lucia”, “España Cani” at ang popular na mga tugtugin na “Manila” at “Kay Ganda ng ating Musika”, at ang makabayang tugtugin na pinamagatang “Bayan ko”.
Ang Grupong Dipolog Community Rondalla ay nag-umpisa noong taong 2004 sa isang Rondalla Class sa elementarya kung saan nagtuturo si Sarita. Sumali din sila sa mga national music competitions for young artists sa Pilipinas. At sa pagiging matagumpay ni Sarita sa pagtuturo ng mga string instruments ay nabigyan siya ng pagkakataon para magturo ng rondalla class sa highschool. Sa paglipas ng panahon, sa kanilang paglahok sa mga musical competition ay kadalasang natatanggap ang mga awards at nagiging champion sa mga patimpalak.
Matagumpay at masaya ang naging pananatili ng grupo sa Milan, kasama na rin dito ang kanilang pamamasyal sa mga tourist spots sa siyudad.
Si Jay Sarita, ang conductor, ay tapos ng Math Major at kasalukuyang may-ari ng isang musical instrument shop. Dahilan ng hindi pagbili ng mga miyembro ng instrumento dahil ang mga ito ay kanyang binibigyan ng bandurria at gitara.
Patuloy ang suporta ng NCCA sa mga rondalla groups sa Pilipinas.
Chet de Castro Valencia
larawan ni Laurence Omana