in

Direk Benjie, nanalo ng Best Supporting Actor sa pelikulang “A Tutto Tondo”

And the winner for Best Supporting Actor is …….. Benjamin Vasquez Barcellano Jr.

Roma, Mayo 30, 2015 – Tinanggap ni Benjamin Vasquez Barcellano Jr. ang premyong “Best Supporting Actor” para sa film na “A Tutto Tondo” ni Andrea Bosca.

Sa walong (8) nominasyon na tinanggap ng short film, ay dalawa ang inuwi nito buhat sa CortiCulturalClassic 2015 bahagi ng ika-15 edisyon ng Premio Napoli Cultural Classic na ginanap sa Palazzo Ducale di Marigliano, Naples nitong Mayo. Iniuwi rin nito ang titolong “Best Short Film 2015".

Non mi aspettavo niente, voglio solo essere lì e sono rimasto sorpreso. Essere nominato mi bastava, era già una grande soddisfazione, ma essere premiato è troppo non riesco a tenere le mie emozioni”, mga unang salita ni Benjie matapos tanggapin ang premyo. 

Hindi maiwasan ni Benjie ang kanyang emosyon matapos marinig ang anunsyo ng kanyang pagka-panalo bilang “Miglior Attore non-Protagonista”. Nag-uumapaw na umano ang kanyang tuwa matapos malaman ang kanyang nominasyon at sa ngayon ay walang paglagyan ng kaligayahan si Benjie.

Propesyon sa Pilipinas

Bago pa man dumating sa Benjie sa Italya ay bahagi na ng sining: isang aktor at guro ng sining sa Philippine Educational Theater Association (PETA) sa loob ng sampung (10) taon. Sa katunayan, naging iskolar din sya ng Actor's Workshop Foundation’s Acting for Tv & Film sa pangangalaga nina Direk Gina Alajar, Anne Villegas at Leo Martinez sa Maynila. Sa kanyang pagpunta sa Roma ay iniwan ni Benjie ang Tv series tulad ng "Kirara: Ano ang Kulay ng Pag-ibig? sa direksiyon ni Direk Gina Alajar. Bahagi din sya ng mga pelikulang "Jose Rizal" ni Marilou Diaz Abaya, "Bayaning Third World" ni Mike De Leon at "Going Back" / Under Heavy Fire" ni Sidney Furie. May ilang tv commercials sa Pilipinas (Gold Eagle Beer, Beer na Beer "Ador", Teracortril "Onyok" at Anti Drug Abuse campaign) at iba pang mga serye sa telebisyon.

Sa Italya

Dumating si Benjie sa Italya taong 2001. At tulad ng maraming Pinoy, sa kabila ng pagod at hirap sa ibayong dagat, hindi tuluyang tinalukuran ni Benjie ang kanyang iniwang propesyon sa Pilipinas,

Dala ang dugong mapagmahal sa sining, isang grupo ng mga Pilipino ang nabuo at patuloy na inalagaan, kasama ni Benjie sina Josey Macaraeg o "Madir Jo" – na siyang pinaka founder ng grupo, Robert Jacinto at Alona Cochon. Sa unang taon ay kasama din sina Armando Noma at Dindo Ramos. Ito ay ang Pyramid Entertainment Productions, taong 2006. Sa grupong ito ay hinuhubog ang talento ng mga Pilipino, partikular ang mga kabataan, sa sayaw, awit, pag-arte. Sa katunayan ay nagkaroon ng ilang musical teatre show tulad ng  Pinoy Sings Broadway & West – End Musical (2006); Pinoy Sings Movie Themes (2007) at Pilipinas, Perlas ng Silangan (Balik tanaw sa mga Awit at Sayaw)
2011

Bukod dito, ay kilala si Benjie sa Roma sa tawag na “direk”. Siya ang direktor ng ilang matutunog na event sa Roma tulad ng Independence Day 2011 & 2014, Batang Idol 1&2, Ginang at Ginoong Pilipinas-Italya 2013 & 2014 at marami pang iba tulad ng Holy Family Chorale Concert; Faces of Love (SVD Centennial Celebration) 2010; Alay kay Inay (An Offering to Mary ) ng AFPRS 2010; One Mission, One Vision, One Heart Concert sa Sta. Pudenziana; Robert Jacinto & Friends Christmas Concert; Puso sa Pasko Concert 2013 atbp…

Bukod sa pagbabahagi ng talento sa Filipino community ay sinubukan rin ni Benjie ang pasukin ang mondo ng cinema at telebisyon sa Italya.

Nagsimula si Benjie bilang ‘extra’ o ‘comparso’ at hindi naman nadismaya dahil sa katunayan, sya ay naging bahagi ng apat na italian films:
1. "Nessuno Mi Puo Giudicare" ni Massimiliano Bruno
2. "Ex – Amici come Prima" ni Carlo Vanzina
3. "Reality" ni Matteo Garrone (Cannes Film Festival 2012 Grand Prize Winner )
4. "Universitari – Molto piu che Amici" ni Federico Moccia
5. "EVEREST" ni Baltasar Kormakur (American film)

Maituturing na tagumpay rin pagdating sa telebisyon dahil naging bahagi si Benjie sa 2 tv series: ang Provaci ancora Prof 5 "Vite Segreti" ni Tiziana Aristarco at ang Narcotici 2 – Sfida al Cielo ni Michele Soavi parehong primetime sa Rai Uno.

Sa ngayon, ako po ay gumagawa ng web series. Ito po ay walong (8) episodes”, masayang kwento ni Benjie sa akoaypilipino.

Ito ang kanyang unang-unang natanggap na parangal sa pag-arte. At ano ang kahulugan nito para sa kanya? “Ito po ay isang malaking hamon para sa akin, malaking opportunity rin at the same time at nangangailangan ng pagsusumikap na lalong pagbutihin anumang role ang ibigay sa akin”, ayon kay Direk. “Wala pong magbabago sa akin, madadagdagan pa nga po”, dagdag na pabiro ni Benjie.

Bukod sa CortiCulturalClassic  2015 ng Premio Napoli Cultural Classic ay tinampok rin ang “A Tutto Tondo” sa ilang international film festival tulad ng Moviemov Italian Film Festival na ginanap sa Pilipinas, sa Rome International Film Festival, sa Alice Nella Citta Biennale Dei Ragazzi sa Roma, sa Busto Arzisio Film Festival (Varese) at ASTI  Film Festival (Torino). Tumanggap din ito ng parangal na "Corti D'Argento Premio Speciale" mula sa Sindicato Nazionale Giornalisti Cinematografici Italiani (SNGCI) "un piccolo film con una grande messagio di solidarieta" nitong Abril. At marami pang imbitasyon sa shortfilm sa hinaharap.

Ang “A Tutto Tondo” ay isang 15-min short film na ideya at isinulat Andrea Bosca kung saan sya ay isa sa mga artista nito at sa ilalim rin ng kanyang direksyon. Ang Moviemov, Ascent Film & A.C. Playtown Roma ni Fabia Bettini at Gianluca Gianelli naman ang producer.  Ang kinita at kikitain nito ay mapupunta sa "Progetto Charity" sa mga mahihirap na mga bata sa Smokey Mountain sa ilalim ng Mission ni Padre Carlo ng Canossian Fathers sa Tondo.

Ito siguro ang tunay naming panalo dito, ang malaki ang aming maitulong sa mga batang nangangailangan ng atensyon at tulong sa Smokey Mountain”, pagtatapos ni Benjie.

 

PGA

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

Hustisya para kay Corazon, sigaw ng mga Pinoy sa Campidgolio

Philippine driver’s license, maaari bang gamitin sa Italya?