“Pasko na sinta ko hanap-hanap kita. Bakit magtatampo iniwan ako. Kung mawawala ka sa piling ko sinta Paano ang Pasko, inulila mo…”
Sa Santa Maria della Luce, isang konsyertong pamasko ang inorganisa ng Scalabrinians noong December 18 na kung saan ay lumahok ang SPYM, ang grupo ng mga kabataang Pinoy sa Sentro Pilipino. Grupong patuloy na sumusuporta sa mga gawaing pangkabataan at nagtataguyod ng pagkakaisa at pagsasa-sama ng mga kabataang Pinoy sa Roma. Matagumpay nilang nagampanan ang kanilang tungkulin nang araw na iyon at taas noo bilang kabataang Pinoy.
Samantala, may mga kababayan naman tayo na nagdiwang ng Pasko habang sila’y nag-iisa. Tulad ni Janet De Castro. “Malungkot ang aking Pasko, hindi ko man lang nakasama ang aking pamilya“, walang ngiting banggit sa akin ni Janet. Hindi daw kasing liwanag at kasing saya ng pasko sa probinsya niya. Pinakiusapan pa siya ng kaniyang amo na magserve sa dinner noong dec. 24. Ang pakiramdam daw ni Janet ay pangungulila sa kaniyang asawa at mga anak. Pero wala siyang magawa, kailangan siya ng amo at wala naman daw siyang kamag-anak kaya’t minabuti na lamang niyang magsilbi, matapos ang kanyang trabaho tumawag siya sa kaniyang asawa upang bumati ng Merry Christmas. Pinasaya daw siya ng boses ng kaniyang mga anak at asawa.
Dec. 25, lumabas siya at pumunta sa Termini Station kaya lang parang hindi Pasko. Hindi uso ang paskuhan tuloy namiss daw niya ang handa kapag araw ng Pasko. Pumunta siya sa Sentro Pilipino upang magsimba, nakimisa at pagkatapos ay bumalik sa Termini at namasyal mag-isa.
Samantala, ikalawang linggo pa lamang ng December nag-umpisa na ang Christmas Party ng mga komunidad. Exchange gift, kainan, kantahan, at kung anu-anong paraan ng pasaya para lamang maibsan ang kalungkutan.
Isa sa mga komunidad na aking nadalaw noong December ay ang San Silvestro Filcom. Masaya ang bawat isa kahit kung papansinin parang isang normal na pagtitipon ang iyong makikita. Halos sabay-sabay ang selebrasyon nung buwan ng December. Ikatlong linggo, araw ng Pasko, ang kumunidad ng Loved Flock sa Roma ay nagselebreyt ng Christmas Party. Inumpisahan ang selebrasyon sa prayer meeting at blessed na blessed ang dumalo sa piling ng speaker na si Bro. Elmer na nagmula pa sa Pilipinas, kasunod ang banal na misa na pinangunahan ni Father Bert mula sa Redemptorist Church at pagkatapos ay nananghalian ng sama-sama.
Nung hapon, inumpisan ang program sa isang Financial Education na hatid ng A.S.L.I. – SMDC. Nagpakita ng talento sa pagsayaw ang mga kabataan ng Loved Flock gayundin ang mga mag-asawahan, mga kalalakihan at kababaihan na kinagiliwan ng mga manunuod.
Mainit na pagtanggap naman ang sumalubong sa amin noong December 26 sa isang Christmas Party ng Timpuyog Ti Ilocano Ditoy Roma(T.I.R.). Dito ay naipakita rin ng bawat isa ang diwa ng Pasko sa pamamagitan ng pagpapalitan ng regalo, pagkakaisa at pagmamahalan.
Sigurado ako na marami pang komunidad ang nagdiwang sa araw ng kapanganakan ni Hesus. Ang pinakamahalagang araw para sa bawat isa sa atin at may kaniya-kaniya tayong paraan paano ito ipagdiriwang.
Ang pagsapit ng taong 2012, tulad ng nakaraang mga taon, ito ang taon ng bagong buhay, bagong pag-asa at panahon ng pagpapakabuti at pagkakaisa. Maligayang bati sa inyong lahat at maging matagumpay sana ang lahat at mamuhay ng may pagkakaisa at pagmamahal. Maliyang Paskong muli sa inyo at Manigong Bagong Taon! ni Liza Bueno Magsino