in

Diyalogo sa pagitan ng Embahada at OFW Watch Italy

Malalim at mayamang talakayan sa pagitan ng mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas at ng Konsulado sa Milan at ng mga Filipino community leaders sa pangunguna ng OFW Watch ang ginanap sa Bologna, Italy.

Bologna, Marso 8, 2016 – Isang makasaysayang pagtitipon ang naganap sa Bologna noong ika-21 ng Pebrero, 2016, kung saan nagkaroon ng diyalogo sa pagitan ng mga kinatawan ng gobyerno ng Pilipinas sa Italya at ng mga Filipino community leaders.

Ang diyalogo ay pinangunahan ng alyansa ng mga manggagawang Pilipino, ang OFW WATCH ITALY, isang pambansang makinarya na layuning mangalaga at magtanggol sa karapatan at ang magsulong ng interes at welfare ng mga OFW sa Italya.

Pangunahing panauhin sina Ambassador Domingo Nolasco, Vice Consul Candy Cypres at Welfare Officer Loreta Vergara mula sa Embahada ng Pilipinas sa Roma. Sinundan nina Consul Conrado Demdem Jr; Welfare Officer Jocelyn Hapal, Consular Administrative Officer Angelita Fernandez, Consular Administrative Coordinator Arnie Mahor, Polo Administrative Officers Elisa Cruz at Mary Rose Usaraga mula sa Philippine Consulate General sa Milan.

Bahagi ng mahalagang talakayan ang 85 liders buhat sa iba’t-ibang pederasyon, organisasyon, asosasyon at mga tsapter, indibidwal na nagmula pa sa iba’t ibang bahagi ng Italya tulad ng Genova, Milano, Como, Torino, Padova, Parma, Bologna, Modena, Cuneo, Toscana, Firenze, Napoli, Roma, Cagliari, Sardegna, Mantova, Empoli.

Ang pangunahing tema na binigyang paliwanag ng Ambassador ay ang 2016 Presidential Elections Overseas Absentee Voting Regulations and Proceedings.Sinundang talakayin ang mga serbisyo at pamamaraan nito tulad ng consular outreach programs at bayarin ng mga overseas Filipinos tulad ng pasaporte.

Matapos ang paglalahad ay malalim na talakayan sa pagitan ng mga resource speakers at publiko ang naganap ukol sa tema. Namagitan sa diskusyon ang patnugot ng Ako ay Pilipino.

Ilan sa kahilingan ng OFW Watch Italy ay ang puntahan ng Embahada at Konsulato dala ang automated machine ang mga siyudad kung saan maraming Pilipinong botante katulad ng Firenze, Bologna, Torino at iba pa. Kahilingan din ng mga dumalo na gawing pareho ang pagpapatupad sa pagbibigay serbisyo ng Embahada sa Roma at Konsulado sa Milan, partikular sa mga outreach program. Samantala, bukod sa 10 taong validity ng pasaporte ay kahilingan rin ng mga dumalo ang ibaba ang halaga nito sa 30 euros.

Isang mahalagang balita rin ukol sa Bilateral Agreement ang ibinahagi ni Ambassador.

Pinirmahan po ng ating butihing Pangulo sa kanyang pagbisita sa Italya noong nakaraang Disyembre 2015 ang Labor Bilateral Agreement, kung saan nasasaad ang pagiging kabilang ng Pilipinas sa 10 bansang panggagalingan ng mga skilled workers na magta-trabaho sa Italya”, anunsyo ni Ambassador Nolasco bagaman wala pang itinakdang panahon ng pagpapatupad dito. Kabilang din sa kasunduan ang pag-aaral ng wikang italyano bago pa man ang pangingibang bayan ng Pilipino.

Samantala, tinalakay naman ni Welfare Officer Jocelyn Hapal ang OWWA membership. Nilinaw at binigyang kasagutan na ang mga benepisyong nakalaan ay maibibigay lamang sa mga aktibong miyembro. At ang kawalan ng trabaho ay magiging sanhi upang hindi na ma-irenew ang membership nito.

Tinalakay naman ni Welfare Officer Loreta Vergara ang nilalaman ng POEA Memorandum Circular no. 13.

Kaugnay dito, pinaninindigan ng OFW Watch Italy sa usaping Omnibus Policy ang kanilang panig na tanggalin ang OEC. Ito ay kanilang isinusulong sa pamamagitan ng sang Position Letter.

Matapos ang masaganang tanghalian ay isang maselang talakayan ang naganap sa pagitan ng mga PCG Officers at OFW Watch Italy. Inilahad ng grupo kay Consul Demdem Jr. ang inihandang letter of complaint para kay Ambassador Nolasco at Hon. Secretary del Rosario ng Department of Foreign Affairs ukol sa kontrobersyal na post ng kasalukuyang Milan Consul General sa kanyang personal na social network account at mga emails laban sa grupo.

Ipararating ko ang inyong mensahe kay Consul General”, tanging kasagutan ng bagong itinalagang Consul sa Milan, Consul Demdem Jr.

Nagtapos ang programa sa pasasalamat ni Rhoderick Ople, ang kasalukuyang Presidente. Masigla ang naging paalaman ng bawat dumalo taglay ang pag-asa at determinasyon na mabibigayng tugon at solusyon ang mga tinakayan upang sama-samang maisakatuparan ang layunin ng bawat isa at ng tanggapan o grupong kinabibilangan, para sa kapakanan at kabutihan ng lahat ng manggagawang Pilipino sa Italya.

Samantala, makalipas ang ilang araw matapos ang forum, isang apology letter ang natanggap ng OFW Watch Italy buhat kay Consul General Marichu Mauro na may petsang Feb 29, 2016 kung saan humihingi ng paumanhin ukol sa maling pagkakilala niya sa OFW Watch Italy.

 

   Art Exhibit ni Ditzz De Jesus ay hinangaan ng mga dumalo bago simulan ang diyalogo

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

FilCom -GENOVA Most Outstanding Woman of the Year Award 2016

Refugees, libreng maglilinis sa lungsod ng Turin