in

Domestic Violence, naging laganap din sa panahon ng Covid19 crisis

Ako Ay Pilipino

Malapit nang magtapos ang lockdown sa buong Italya. Naging usapin ang mga dokumentong kinailangan para sa mga aplikasyon para sa tulong-pinansiyal at relief packs na magmumula sa pamahalaan ng Pilipinas at maging sa gobyerno ng Italya at iba pang ahensiya. May mga pinagtagumpayan na makakuha nito nguni’t higit na marami ang nabigo na makakuha. Pero sumagi ba sa isipan natin ang naging kalagayan ng ating mga kababaihan ngayong panahon na ang mayoridad ay nasa loob ng kani-kanilang tahanan?

Una sa lahat, ano ba ang naging pangunahing papel ng kababaihan habang may restriksiyon na lumabas? Bukod sa nakapapasok ang ilan sa kanilang mga regular na trabaho, tungkulin pa rin nila sa kanilang pamilya ang kanilang nasa isip lalo at may mga asawa at anak o magulang na aasikasuhin sa kanilang pag-uwi. 

Pero yaong mga nawalan ng trabaho, pansamantala o pangmatagalan man, ay silang nasa loob ng pamamahay at ginagawa ang lahat ng responsibilidad ng isang ina o asawa upang mabigyang kaluwagan ang pananatili sa loob ng bahay ng mga miyembro ng kanilang pamilya.

Ayon sa mga pag-aaral, tumataas ang bilang ng mga kababaihang nagiging biktima ng karahasan sa kamay mismo ng kanilang mga asawa o partner lalo at higit na may dati nang pinagdaanan noong bago pa magka-lockdown. Dito sa Italya, noong taong 2019, sa buwan ng Marso at Abril, nagkaroon ng bilang na 670 at 397 emerhensiyang tawag sa APP 1522 kumpara sa taong 2020, na mapapansing tumaas, 716 sa buwan ng Marso at 1037 sa buwan ng Abril. Sa pahayag ng Ministra per le Pari Opportunità e la Famiglia, ELENA BONETTI,  ang pagtaas ng bilang ng mga tawag na ito ay senyales ng isang tagong penomeno na nangyayari sa loob ng mga tahanan. Ang mahalagang pinagtuunan ng pamahalaan ay ang  paglaban sa pandemiko, pero nag-ukol din ng pansin sa kalagayan ng mga pamilya lalo na ang karahasan laban sa mga kababaihan. Ang APP 1522 ay aktibo ng 24 oras at nasa limang wika, Italyano, Ingles, Pranses, Kastila at Arabic.  Ang pagtawag ay nagdudulot din ng panganib sa mga biktima dahil nasa loob mismo ng kanilang tahanan ang gumagawa ng karahasan.

Laman ng mga pahayagan at balita sa telebisyon ang mga krimeng nagaganap at hindi lamang ang mga kababaihan ang nagiging biktima kundi pati na rin ang mga bata o ang mga anak.

Ang ideyal na pamilyang Pilipino ay kakikitaan ng magandang samahan, pagbibigayan, respeto at pagmamahalan sa bawat isa. Pero paano kung ang isang pamilya ay hindi ganito? Ang isang tahanang may galit, pagkamuhi, mga hinala at alinlangan sa kapamilya at maging ang pagkabagot at sobrang pag-iisip sa hirap na sitwasyon, ay aasahan nang laging magkakaroon ng problema. Ang lockdown ay isang inkubo o bangungot para sa isang miyembro lalo at kasama sa loob ng tahanan ang taong nagdudulot ng karahasan.

Sa panayam sa isang kababayan dito sa Italya, naging doble ang pahirap  sa kanya ng krisis dahil sa bukod sa aspetong pinansiyal, nagdulot pa ng sama ng loob at sakit ng katawan ang pambubugbog  ng kanyang asawa, ang pagmumura at pag-alipusta sa kanya. Malaking trauma din ang dulot nito sa kanilang mga anak na nakikita at naririnig ang kanilang pag-aaway.

May isa pang kababayan na hindi makatanggi sa mga seksuwal na kahilingan ng kanyang partner na pag di napagbigyan ay nauuwi sa karahasan din. Dahil sa katwirang walang magawang iba, ang babae ang napagtutuunan lagi ng pansin. Maging ang paggamit ng droga ay isang malaking dahilan upang makaisip at makagawa ng pananamantala at krimen.

Paano na sila? May paraan ba para sila ay matulungan? 

Sa panahon ng krisis, nagiging malihim ang mga biktima dahil sa paniniwalang wala silang matatakbuhan at masusulingan. Sinarili ang mga damdaming nasaktan ng mga matatalas na pananalita at ang pagtitiis sa kirot na naramdaman dulot ng walang habas na pananakit.

Huwag kalimutang mayroong mga grupo o asosasyon tulad ng Filipino Women’s League sa Bologna at Filipino Women’s Council o FWC sa Roma, na tumutulong sa mga nagiging biktima ng karahasan. At sa tulong din ng Casa Delle Donne na ilang pagkakataon na rin na naging takbuhan ng ating mga kababaihang nasaktan at yaong kinailangan ang isang tutuluyan.

Ang ating mga kababayan ay maaaring makipag-ugnayan sa Filipino Women’s League, sa Filipino Women’s Council, at kahit sa mga numero ng Casa Delle Donne at ng iba pang mga pribadong ahensiya na handang tumulong o kumupkop sa kanila. Sa bawat probinsiya at rehiyon ay mayroong mga samahang may ganitong adbokasiya. Huwag sanang mag-atubili na humingi ng tulong dahil ang mga ganitong kalagayan ay laging nasa sitwasyong mapanganib kung hindi kikibo at ipaglalaban ang karapatan. (Dittz Centeno-De Jesus)

Mga numero na maaaring tawagan: 

APP 1522 – Para sa anti-violence at anti-stalking

APP Youpol della Polizia di Stato – para sa segnalazione di Violenze domestiche

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Repatriation ng 82 Pinoy mula Italya, nasa biyahe na pauwi ng Pilipinas

January 26, simulang kumalat ang Covid19 sa Milano