HAPPY EASTER TO ALL!!! Ginugunita natin ngayon ang kapistahan ng Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo. Ito ay angkop na angkop para sa ating mga Pinoy dito sa Italya dahil tayo ay mayaman sa pananampalataya. Dahil sa ating pananampalataya tayo ay nagbibigay buhay at sigla sa mga simbahan dito sa Italya at sa buong mundo.
Sa katunayan ang Santo Papa ay nagdeklara na sa Oktubre 21, 2012 ay itatanghal na Santo si Beato Pedro Calungsod. Napalaking biyaya ito para sa mga manggagawang Pinoy sa buong mundo. Si Pedro Calungsod ay nagiging martir at banal sa ibang bansa. Ito rin ang panawagan at hamon para sa ating lahat: maging instrumento ng Muling Pagkabuhay ng ating Panginoon. Sa paanong paraan? Sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng ating pananampalataya araw-araw. Kadalasan marami sa mga pamilya ngayon ay nawasak dahil nakalimutan ang mga pangako sa isa’t isa. Ang Muling Pagkabuhay ng ating Panginoon ay nagtuturo sa atin na nagwagi si Kristo sa kasalanan sa pamamagitan ng kanyang katapatan sa Ama at ang pagsunod sa kalooban Niya. Naway ito rin ang magiging adhikain ng bawat Pilipino sa mundo: katapatan sa Diyos, sa sarili at kapwa. Naway magkakaisa ang mga kumunidad dito sa Roma at ipalaganap ang kagandahang loob ng bawat isa dahil ito ay nagpapakita ng kagandahang loob ng Diyos. Iwasan ang paninira sa kapwa dahil hindi ito kilos ng may pananampalataya sa Diyos. Gamitin natin ang mga biyaya ng Diyos sa tamang paraan katulad ng teknolohiya ngayon. Ipalaganap ang yaman ng ating kulturang Pinoy at ang ating pananampalataya sa Diyos sa mga social networking sites katulad ng facebook. Huwag gawin itong paraan upang magpalanap ng kasamaan, kasinungalingan at kaduwagan. Sa ating pagdiriwang ng Muling Pagkabuhay ni Kristo tayo ay inanyayahan na mamuhay ayun sa kalooban ng Diyos na may pananalig sa Kanya dahil ang kanyang kapangyarihan ay magwawagi laban sa kasamaan at kasalanan. Mabuhay! (Fr. Romeo Velos, Chaplain ng Sentro Pilipino Rome)