“Tuloy ang show”, ito ang isang nakakahangang text message na natanggap ng Ako ay Pilipino buhat sa director na si Arman Noma.
Rome, 8 Pebrero 2012 – Kasabay ng lakas ng bagsak ng snowfall ang naging buhos ng tao sa Teatro Vigano noong nakaraang Sabado at Linggo sa hindi napigilang pagtatanghal ng CSP – Center Stage Production. “Tuloy ang show”, ang kumalat na text message mula sa direktor nito.
Pinamagatang “Entablado” ang naging kauna-unahang pagtatanghal ng CSP. Ito ay isang musical play ng taong ’40 ukol sa buhay ni Katy Dela Cruz, ang kilalang mang-aawit ng Jazz sa kilalang teatro LUX sa Maynila.
Ginampanan ang naturang pagtatanghal ng mga kabataang Filipino sa Roma. Karamihan sa kanila ay sa Italya na ipinanganak kung kaya’t kapansin-pansin ang husay ng mga kabataan sa wikang tagalog, bukod sa husay ng kanilang pagganap. Naaliw ng husto ang publikong nilalamig sa mga araw na ito ngunit, nag-init ang buong teatro sa bawat linyang binibitawan ng mga pangunahing tauhan ng musical play.
Kulturang Pinoy ang nakagitla sa publikong di inalintana ang lamig ng panahon at hirap ng pagsakay dahil sa pag-ulan ng yelong dinanas ng buong lungsod sa mga nakaraang araw bago ang pagtatanghal. Ngunit kasabay ng nerbyos at excitement ng mga gumanap, pinatawa at pinaiyak din ang mga manonood sa husay ng kanilang talento, di lamang sa pag-arte kundi sa pagsayaw at pag-awit din.
“Hindi po ako marunong mag tagalog talaga ngunit salamat sa play na ito ay natutunan ko ang aking sariling wika”, ang sabi ni Peping habang masayang bumababa ng entablado at pinasalamatan ng personal ang mga manonood.
Kitang-kita at damang-dama ang tuwang nararamdaman ng mga kabataang halos isang taon at kalahating nag-prepara para sa pagtatanghal na ito. Tunay na kanilang ipinakita na “The Filipino talent is of world class”.
Nahikayat naman ang ilang manonood na kabataan na matuto ring umarte, kumanta at umawit at tulad ni Katy, ang bida sa play, ay naghahangad na isang araw ay gumanap din ng isang mahalagang role sa isang musical play.
Bukod dito, layunin din ng naturang pagtatanghal ay ang makatulong sa mga ‘special children’ sa Pilipinas.
“We, the CSP, made it our mission…. To give people a world class entertainment!” pagtatapos pa ni Direk Arman.