Due to insistent public demand, ay itinanghal muli ang “Entablado” ng CSP
“Entablado, the repeat”, ito ang titolo ng kauna-unahang musical play, sa ikalawang pagtatanghal ng CSP – Center Stage Productions, ginanap kamakailan sa dalawang magkasunod na araw sa Teatro Vigano sa Roma.
Matatandaang unang itinanghal ang musical play noong nakaraang Pebrero. Ito ay isang musical play ng taong ’40 ukol sa buhay ni Katy Dela Cruz, ang kilalang mang-aawit ng Jazz sa kilalang teatro LUX sa Maynila. Nakagiliwan ng mga naka-panood at hiniling na muli ito ay ipalabas.
Ginampanan ang naturang pagtatanghal ng mga kabataang Filipino sa Roma. Karamihan sa kanila ay sa Italya na ipinanganak kung kaya’t kapansin-pansin ang husay ng mga kabataan sa wikang tagalog, bukod sa husay ng kanilang pagganap. Naaliw naman ng husto ang publikong nilalamig sa mga araw na ito ngunit, nag-init ang buong teatro sa bawat linyang binibitawan ng mga pangunahing tauhan. Kasabay ng nerbyos at excitement ng mga gumanap, muli ay pinatawa at pinaiyak ang mga manonood sa husay ng kanilang talento at husay sa pag-arte.
Kulturang Pinoy ang tampok ng palabas, gamit ang malalalim na katagang tagalog na malayo na sa pandinig at pananaw ng ikalawang henerasyon tulad ng pistang bayan at ang sabong. Higit sa lahat itinampok dito ang pagiging Pilipino sa larangan ng paniniwala at pagiging matatag, halaga ng pagkaka-ibigan na angkop sa edad ng mga gumanap.
Kitang-kita at damang-dama ang tuwang nararamdaman higit ng mga magulang habang pinagmamasdan ang kanilang mga anak na bumababa ng stage at nagpapasalamat sa mga sumuporta sa pagtatapos ng play. Tila hindi makapaniwala na sa buong pagtatanghal na tumagal ng higit sa dalawang oras, ay kanilang mga anak mismo ang gumanap at napanood sa ‘entablado’.
Bukod sa layuning kultural at sosyal ng naturang pagtatanghal, ang pagtulong sa mga ‘special children’ sa Pilipinas ay isa rin sa layunin ng mga kabataan, ganap na hinangaan naman ng mga dumalo.
“We, the CSP, made it our mission…. To give our kababayans a world class entertainment, and to give back the glory to God through helping those in needs” pagtatapos pa ng Direktor na si Arman Noma.