Muling idinaos ang European-Philippine International Film Festival sa Florence, Italy, nitong ika-19 ng Mayo, 2019 na pinangunahan nila Ruben Sorriquez (Festival Director), Alvin Anson (FDCP Film Ambassador), Maurizio Baldini (Festival President), Matteo Tosi (Member of the Jury) at Honorary Consul ng Firenze Dr. Fabio Fanfani. Ito ay ginanap sa Cinema Spazio Alfieri via Dell’ Ulivo 6, na dinaluhan din ng mga lider at miyembro ng Filipino community ng Firenze, ang Confederation of Filipino Associations ng Florence , OFW Watch Tuscany at ng Filipino Women’s League ng Bologna.
Itinampok dito ang limang pelikulang Pilipino: ang The Lease , 1957, Kapayapaan sa Gitna ng Digmaan, El Peste at Expressway na pinagbidahan ng mga batikang aktor at aktres .
Nahirang na pinakamahusay na aktor si Richard Quan para sa pelikulang Kapayapaan sa Gitna ng Digmaan, aktres naman ay si Chelina Talavera sa pelikula ring nabanggit at ang pinakamahusay na direktor ay si Richard Somes sa El Peste, na nagwagi din bilang pinakamagandang pelikula.
Itinanghal namang ikalawang pinakamahusay na aktor si Alvin Anson sa El Peste.
Ang iba pang binigyan ng karangalan ay sina Alex Espartero sa Sinematograpiya para sa El Peste, sa disenyong pamproduksiyon ay sina Jimmy Tablizo, Erwin Cruz, Xander Santos (Kapayapaan sa gitna ng digmaan), sa paglalapat ng musika ay si Enrico Sabena para sa The Lease. Ang Special Jury Award ay iginawad sa pelikulang 1957 at pumangalawa naman ang Expressway.
Ang film festival na ito ay may pangunahing layunin na maibahagi ang mga mahuhusay na pelikula sa parte ng Europa , partikular dito sa Italya nang magkaroon din ng pagkakataon ang mga komunidad ng mga Pilipino na makapanood ng mga de-kalidad na pelikula. Nais din ng mga nag-organisa na maipakilala ang kahusayan sa pag-arte ng mga Pilipino at ang kasanayan sa lahat ng aspeto sa pagbuo ng pelikula .
Ang EPIFF 2019 ay inorganisa ng ISLAND Stream Cultural Association of Florence, kasama ang Philippine Italian Association at Italian Chamber of Commerce sa Pilipinas at iniindorso ng Film Development Council of the Philippines, sa suporta na rin ng Fondazione Sistema Toscana sa Italya.
Umaasa ang mga nasa likod ng proyektong ito na magiging masigla pa ang pagtanggap at pagtangkilik ng mga Pilipino sa mga susunod pang pestibal na idaraos dito sa Italya.
ni: Dittz Centeno-De Jesus